Kinumpirma kahapon ng National Police Commission (Napolcom) na iniutos na nito ang pagbawi sa deputation bilang kinatawan ng komisyon at ang suspensiyon ng police power ni Daraga, Albay Mayor Carlwyn Baldo, na itinurong utak sa pagpatay kay AKO Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe, gaya ng sinapit ni Guimbal, Iloilo Mayor Oscar Garin.
Una nang binawi ng Napolcom ang deputation nito kay Garin at sinuspinde rin ang police power ng alkalde makaraang matukoy sa imbestigasyon na tinutukan nito ng baril si PO3 Federico Macaya nang walang balidong dahilan, habang binugbog naman ng anak nitong si Iloilo Rep. Richard Garin ang pulis sa Guimbal Public Plaza nitong Disyembre 26.
Pinamumunuan ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo M. Año, ipinalabas ng Napolcom en banc ang Resolution No. 2019-014 na nag-apruba sa pagbawi sa deputation ni Baldo.
-Chito A. Chavez