Ibinasura na ng Commission on Elections (Comelec) ang kandidatura ng may 70 naghain ng Certificates of Candidacy (COC) para senador, kaugnay ng halalan sa Mayo 13.

Ito ang kinumpirma kahapon ni Comelec Spokesperson James Jimenez, bagamat tumanggi siyang pangalanan ang mga naturang diniskuwalipikang kandidato sa pagkasenador.

Paliwanag ni Jimenez, maaari pang iapela ng mga naturang kandidato ang desisyon ng Comelec.

Sakali naman umanong mabigo ang mga nasabing kandidato na iapela ang diskuwalipikasyon sa loob ng limang araw matapos nilang malaman ito, iisyuhan na sila ng Comelec ng certificate of finality sa desisyon.

'Mauubos lang ang oras ko:' Leila De Lima, iisnabin na lang mga basher

Samantala, bumaba na sa 154 mula sa 182 ang mga party-list group na nais lumahok sa halalan, na nangangahulugang 28 sa mga ito ang diniskuwalipika ng Comelec.

Sinabi ni Jimenez na maaari pang mabawasan ang nasabing bilang habang nagpapatuloy ang paglilinis ng Comelec sa listahan ng mga kandidato.

Aniya, target ng poll body na maisapubliko ang pinal na listahan ng mga kandidato bago sumapit ang ikatlong linggo ng Enero, na itinakda naman sa pagsisimula ng pag-iimprenta ng mga balota.

-Mary Ann Santiago