“HINDI ba puwedeng awards night kaagad on the opening day para naman maging fair sa lahat?” pahayag ni Harlene Bautista, producer ng Rainbow’s Sunset na entry ng Heaven’s Best Entertainment sa 2018 Metro Manila Film Festival.

Harlene copy

Nabanggit ito ni Ms. Harlene nang makatsikahan namin siya pagkatapos ng block screening ng Rainbow’s Sunset sa SM Megamall Director’s Club nitong Sabado, Enero 5, courtesy of Kris Aquino.

Sumama ang loob ng actress/producer sa resulta ng Rainbow’s Sunset sa unang araw na pagpapalabas nito noong Disyembre 25, dahil mahina sa takilya at naging dahilan ito kaya bumaba na lang sa 20 sinehan ang nagpalabas nito.

Relasyon at Hiwalayan

'Malaki ang naging change:' Kathryn, Alden very comfortable na sa isa't isa

“Parang hindi fair kasi may usapan na may ganitong number ng sinehan, tapos umabot na lang kami sa 20. Sobrang down kami lahat, buong production kasi pinaghirapan talaga ng lahat. Maski anong pelikula ‘yan, ke pangit o maganda sa paningin ng manonood, pinaghihirapan ‘yan.

“Tapos after the awards night, ‘yung 20 theaters naging 100 plus theaters na, so doon pala ang basis. Kaya kung gano’n, eh, ‘di dapat unang araw pa lang ng showing ng MMFF, awards night na sa gabi para maging fair sa lahat, ‘di ba?” sabi ng lady producer.

“Tapos nu’ng awards night na, nakangiti na kami,” dagdag pa niya.

Hindi nakakapanghinayang ang P300 o P320 na ibabayad para mapanood ang Rainbow’s Sunset, deserved nito ang lahat ng natanggap na awards sa 2018 Gabi ng Parangal, tulad ng Best Picture, Best Screenplay, Best Actress, Best Supporting Actor, Best Supporting Actress, Best Theme Song, Best Production Design, Best Director, Special Jury Prize kina Eddie Garcia at Max Collins at Gatpuno Antonio J. Villegas Cultural Award.

Nakabawi na ba ng puhunan ang Rainbow’s Sunset?

“Malapit-lapit na, sana umabot kasi hanggang January 7 pa. Sana,” saad ni Harlene.

Sa tingin namin ay makakabawi naman, dahil as of January 3 ay naka P14.9M na ito, eh, paano pa ang kinita ng mga sumunod na araw?

Sana ay ma-extend din ito dahil maraming uri ng pagmamahal ang ipinakita rito: sa magkapatid, magkaibigan, pamilya at higit sa lahat, ang acceptance kung sino ang minamahal.

“Oo nga, sana magkaroon ng producer’s cut, dahil doon naman ‘yung mga scenes na talagang na-tackle lahat ang characters. Even ‘yung si Tito Pip (Tirso Cruz III) at si Zeke (anak) na ‘yung relationship nila bakit sila nagkaroon ng rift. Kasi sa movie hindi ipinakita na mayroon silang confrontation,”sabi ni Harlene.

Binabati nang husto ang lady producer dahil ang tapang ng ipinakita nilang pagmamahalan ng parehong kasarian bukod pa sa kissing scenes.

“E, kasi naman film is suppose to show reality, kung ano ‘yung nangyayari sa totoong buhay. Makaka-relate ka talaga.

“Sobrang grateful ako sa lahat ng artista, lahat sila ang gagaling. Si Aiko (Melendez), minesage ko nga siya, ‘perfect ka as Georgina’. Ang galing nga, she won Best Supporting Actress,” say ni Harlene.

May mga nagbiro nga na dapat ang titulo ng pelikula ay One Great Love, dahil ang klase ng pagmamahalan nina Ramon (Eddie Garcia) at Fredo (Tony Mabesa) ay unconditional at hindi nanghingi ng kapalit dahil kusa itong ibinigay.

Samantala, natanong kung napanood ng kuya niyang si Quezon City Mayor Herbert Bautista ang pelikula.

“Oo, yata,” sagot niya.

Inimbitahan ba niya si Mayor na manood sa block-screening? “Oo, sabi ko, ‘pupunta ka ba?’ siyempre hindi ako sinagot.”

Natanong din si Harlene kung boto siya kay Bistek at sa naudlot niyang sister in law (Kris Aquino).

“Bakit ako ang tinatanong n’yo?” sabi, sabay tawa. “Oo naman ‘no. Habang may buhay, may pag-asa. Ha, ha, ha! ‘Yun ‘yung ano, one great love.”

Masaya rin ang kapatid ni Bistek na na-maintain nila ni Kris ang friendship nila kahit hindi sila laging nag-uusap at nagkikita.

“Oo naman, siyempre. Sabi ko nga, what you see is what you get, napakatotoo niyang tao. Hindi siya plastic, hindi siya showbiz, kung ano ang nakikita mo, ‘yun na siya.

“Kaya I’m honored and happy na meron kaming ganu’ng klaseng relationship. Kahit hindi kami palaging nagkikita, nagsusuportahan kami. Kaya sobrang thank you, Kris, sa suporta mo,” masayang sabi ng naudlot na sister-in-law ni Kris.

-REGGEE BONOAN