June 08, 2026

Home BALITA National

'Maleta boys, Basurero!' Usec. Castro, niratrat ng bansag ang 18 ex-bodyguards

'Maleta boys, Basurero!' Usec. Castro, niratrat ng bansag ang 18 ex-bodyguards
Photo courtesy: Senate of the Philippines

Pinatutsadahan ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire ang nagpakilalang 18 bodyguards ni dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co na maaari din daw tawagin ang mga ito bilang “18 Maleta boys” o “18 Basurero.” 

Bago nito, matatandaang nauna nang bansagang “18 Kargador” ni Sen. Raffy Tulfo ang mga miyembro ng 18 bodyguards sa kinasa nilang consultative meeting ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Lunes, Hunyo 8, 2026. 

KAUGNAY NA BALITA: Sen. Raffy Tulfo, inapelang tawagin na lang '18 kargador' ang 18 ex-soldiers!

Sa naging reaksyon naman ni Castro sa isinagawa niyang press briefing nito ring Lunes, Hunyo 8, sinabi niyang puwede rin naman daw mabansagang “Maleta boys” o “Basurero” ang mga miyembro ng 18 bodyguards. 

“Actually ‘18 Maleta boys,’ ‘18 basurero,’ puwede po silang i-describe na ganoon, sa ating pananaw,” pagsisimula niya. 

National

'Politicians are the primary suspects!' Suspendidong si Dr. Leachon, binalagbag ng death threats

Dagdag pa niya, “‘Di ba mga basura ang kanilang sinasabing kinukuha at dinadala?” 

Ani Castro, matatandaan daw na nauna nang makiusap ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa publiko na huwag na raw tawaging “ex-soldiers” o “ex-Marines” ang naturang grupo dahil wala naman na raw sa serbisyo ang karamihan sa mga ito nang magtrabaho bilang bantay ni Co. 

“Nakiusap lamang po ang AFP na huwag nang tawagin na sila ay ex-Marines dahil sila po ay wala na sa serbisyo noong sila ay pumasok bilang bodyguards ni Zaldy Co,” aniya. 

Saad pa niya, “Ang request nga po ng AFP, kung maaari ay tawagin na lang na 18 witnesses or 18 bodyguards.” 

KAUGNAY NA BALITA: AFP, nanawagang 'testigo, bodguards na lang' itawag sa 18-ex Marines

Pagpapatuloy ni Castro, kaya raw para sa kaniya, ayos lang na matawag na “kargador” o “basurero” ang mga miyembro ng naturang grupo. 

“18 kargadures or 18 basurero puwede naman po silang i-describe ng ganiyan,” pagtatapos pa niya. 

Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na pahayag, tugon, o reaksyon ang kampo ng 18 bodyguards kaugnay rito. 

KAUGNAY NA BALITA: ‘They are unworthy of our respect!' PH Marines, tinalakan 18-ex Marines