Iginiit kahapon ng Malacañang na “no sacred cows” sa laban ng gobyerno kontra kurapsiyon kasunod ng pagkumpirma sa isinasagawang imbestigasyon laban sa tatlong matataas na opisyal ng pamahalaan dahil sa mga alegasyon ng iregularidad.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na mananagot ang tatlong opisyal kapag napatunayang nagkasala nga sila sa kurapsiyon.

“Walang friendship, walang friendship. Kung may ebidensiya, the axe should fall where it should,” sinabi ni Panelo sa news conference sa Palasyo kahapon.

Iniimbestigahan na ng Presidential Anti-Corruption Commission sina Labor Secretary Silvestre Bello III, dating Customs chief at ngayon ay Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) head Isidro Lapeña, at National Commission on Indigenous People Chairperson Leonor Quintayo.

Eleksyon

Philip Salvador, masayang number 1 sa boto 'beshy' na si Sen. Bong Go

Nabatid na tumanggap ang komisyon ng mga reklamo laban sa umano’y mga anomalyang kinasasangkutan ng tatlong opisyal.

“If there’s evidence, the President will act on it,” sabi ni Panelo. “The President’s policy ever since is there are no sacred cows in this administration. If you violate the law, regardless of your status whether you’re a friend, ally or political adversary, a relative or a friend or a fraternity brother, wala lahat ‘yun. You violate the law, you are accountable.”Sa ngayon, sinabi ni Panelo na mananatili sa kani-kanilang puwesto sina Bello, Lapeña, at Quintayo.

“’Pag sinabing whiff of corruption, meron ng substantial grounds. Pinapaimbestiga kaagad ni Presidente. Hindi naman basta porket inakusahan mo na nagnakaw ka, tatanggalin ka na agad. Hindi naman ganoon si President. He’s a lawyer,” ani Panelo.

-Genalyn Kabiling at Beth Camia