July 23, 2026

Home BALITA Politics

#BalitaExclusives: Atty. Luke Espiritu, naniniwalang mahalaga mga panawagan ukol sa korapsyon sa bansa

#BalitaExclusives: Atty. Luke Espiritu, naniniwalang mahalaga mga panawagan ukol sa korapsyon sa bansa
Photo courtesy: Luke Espiritu/FB


Idiniin ng labor leader at dating senatorial candidate na si Atty. Luke Espiritu na importante ang pagpapahayag ng iba’t ibang sektor at grupo ng kanilang mga panawagan kontra sa umiiral na korapsyon sa Pilipinas.

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Atty. Espiritu, matapos ang pagdalo niya sa White Ribbon March sa EDSA People Power Monument nitong Linggo, Hunyo 28, iginiit niya rin ang kahalagan ng walang-tigil na pagsigaw hinggil sa naturang isyu.

“Importante na pinapahayag ng lahat ng mga puwersa na ayaw sa korapsyon—mga civil society groups, mga basic sectors, organisasyon ng mga manggagawa, maralita, magsasaka, at mga kabataan, kababaihan, religious,” saad ni Atty. Espiritu.

Aniya, “Importante na pinapahayag nila na hindi sila nawawala, at patuloy ang laban kontra korapsyon—at hindi natutulog.”

“Maaaring may kaunting paghupa ang mga mobilisasyon, pero hindi ibig sabihin no’n na nawawala—at anytime puwedeng ma-rekindle, at anytime puwede ulit lumiyab at maging malawak,” dagdag pa niya.

Giit pa ng labor leader, nararapat lamang na malaman ng pamahalaan ang sigaw at panawagan ng taumbayan upang kahit papaano ay tugunan naman nito ang iginigiit ng mga Pilipino.

Politics

'T*ng*han mo pa ngayon!' Ka Leody, binira si Sen. Robin!

Nanindigan din ang labor leader na mayroong mararating ang mga panawagang ito—kung saan binanggit niya rin ang mga epekto nito sa nakaambang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.

“Mayroon, mayroong mararating lalong-lalo na mayroong impeachment, ’di ba? Magandang makita nila na maaga pa lamang, hindi pa nagsisimula ang trial, mayroon ng mga puwersa na nananawagan ng accountability,” anang labor leader.

“At ang impeachment ay hindi simpleng numbers game; at hindi simpleng political process na mga senador at senator-judges lang at mga pulitiko lang ang kalahok—kalahok ang taumbayan diyan dahil nag-aabang ang taumbayan,” pagtatapos ni Atty. Espiritu.