Umabot na sa mahigit P4.2 bilyon ang pinsala sa agrikultura at imprastruktura ng pananalasa ng bagyong ‘Usman’ sa Calabarzon, Mimaropa, Bicol, at Eastern Visayas regions.
Base sa tala kahapon, dakong 6:00 ng umaga, iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na nasa P948,693,776.80 ang halaga ng pinsala ng bagyo sa agrikultura, habang umabot na sa P3,300,704,500 ang nasirang imprastruktura. May kabuuang halaga ito na P4,249,398,276.80.
Ayon kay NDRRMC Executive Director at Office of Civil Defense (OCD) Administrator Undersecretary Ricardo Jalad, dahil sa malawakang pinsala na idinulot ng Usman, isinailalim na sa state of calamity ang Oriental Mindoro (Calapan City at ang mga bayan ng Baco, Naujan, Socorro, Pola, Pinamalayan, Bansud, Bongacong), at ang Albay, Sorsogon, Camarines Norte, at Camarines Sur sa Bicol.
Lumobo na rin ang bilang ng mga apektadong pamilya, na aniya’y umabot na sa 150,877 o 675,777 indibiduwal mula sa 952 barangay sa Calabarzon, Mimaropa, Bicol, at Eastern Visayas.
Nasa 126 ang nasawi at 75 ang nasugatan, habang 26 pa ang nawawala.
-Francis Wakefield