Binawi na ng Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD) ang suporta nito kay Daraga, Albay Mayor Carlwyn Baldo, na idinidiin bilang mastermind sa pagpatay kay Ako Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe, na makakalaban sana ng re-electionist na alkalde sa halalan sa Mayo 13, 2019.

Baldo

Lumiham ang naturang major political party, na kaalyado ng administrasyong Duterte, sa Commission on Elections (Comelec) upang ipahayag ang pagbawi nila sa Certificate of Nomination and Acceptance (CONA) at suporta kay Baldo, na opisyal sanang kandidato ng partido sa mayoralty race sa Daraga.

Ang naturang liham, na may petsang Enero 3, 2019, ay naka-address kay Comelec Law Department Director Maria Norina T. Casingal, at pirmado ni Lakas-CMD Executive Director Bautista Corpin, Jr..

National

Matapos rebelasyon ni Garma: Ex-Pres. Duterte, dapat nang kasuhan – Rep. Castro

“Please be informed that Lakas-CMD is revoking the CONA issued to Mr. Baldo. Hence, Mayor Baldo is no longer the official candidate of Lakas-CMD for the position of Mayor of Daraga,” saad sa liham.

“Regretfully, Mayor Baldo has been nominated as the official candidate of Lakas-CMD for Mayor of Daraga, Albay. After deliberations, Lakas-CMD has decided to revoke the nomination of Mayor Baldo as the official candidate of the party,” dagdag pa nito.

Kasabay nito, mariing kinondena ng partido ang pamamaslang kay Batocabe at nanindigan sa pagtiyak sa tapat, malinis, makabuluhan, at payapang halalan sa susunod na taon, habang malaya ang lahat ng Pilipino na piliin ang kandidatong pinaniniwalaan nilang makapagbibigay ng mahusay na serbisyo sa kanila.

Bukod sa Comelec Law Department, pinadalhan din ng kopya ng liham ang Provincial Election Supervisor ng Albay at Municipal Election Officer ng Daraga.

Una nang tinukoy ng Philippine National Police (PNP) si Baldo bilang utak at kumontrata umano ng P5 milyon para paslangin si Batocabe.

Nasawi rin ang police escort ni Batocabe na si SPO1 Orlando Diaz, nang pagbabarilin ang kongresista matapos magsagawa ng gift-giving sa mga senior citizen at mga may kapansanan sa Barangay Burgos, Daraga nitong Disyembre 22.

Kinumpirma naman ngayong Linggo ng PNP na ngayong hawak na ng pulisya ang anim na sinasabing miyembro ng grupong binuo para patayin si Batocabe, iisa ang itinuturo ng mga itong nagpapatay sa mambabatas: si Baldo.

Ayon kay Chief Supt. Benigno Durana, tagapagsalita ng PNP, sa magkakahiwalay na pag-amin ng anim na suspek—sina Rolando Arimado, Danilo Muella, Christopher Naval, Emmanuel Rosello, Henry Yuson, at Jaywin Babor—consistent ang mga ito sa pagsasabing pinatay si Batocabe upang hindi na makalaban pa ni Baldo sa halalan bilang mayor ng Daraga sa susunod na taon.

“They gave their testimonies separately and on separate occasions, one thing stood out in their revelations. The fact they are only pointing to one mastermind,” ani Durana.

Kasabay nito, hiniling ng PNP sa Department of Justice (DoJ) na maglabas ng lookout bulletin laban kay Baldo.

Mary Ann Santiago, Aaron Recuenco, at Fer Taboy