Sinuspinde ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada ang pasok sa eskuwela sa lungsod, gayundin sa mga tanggapan ng Manila City Hall sa Miyerkules, Enero 9.
Si City Administrator Ericson Alcovendaz ang naghayag ng class at work suspension sa press briefing sa Quiapo Church, para sa paghahanda sa seguridad sa Traslacion 2019, na inaasahang dadagsain ng milyun-milyong deboto ng Mahal na Poong Nazareno.
Ayon kay Alcovendaz, sakop ng kautusan ni Estrada ang suspensiyon ng klase sa lahat ng antas sa mga pampubliko at mga pribadong paaralan sa lungsod.
Hindi naman kasama sa suspensiyon ng pasok ang mga empleyado na ang trabaho ay may kinalaman sa pagpapanatili sa peace and order at pagsasaayos ng trapiko para sa Traslacion.
May pasok rin ang nasa disaster and risk management office, gayundin ang nasa health at sanitation, pag-iisyu ng business permits, at pangongolekta ng buwis.
Samantala, ipinauubaya naman ni Estrada ang suspensiyon sa trabaho sa government agencies at mga pribadong tanggapan, sa kani-kanilang heads of office at management.
-Mary Ann Santiago