Nananawagan ang parish priest ng Minor Basilica ng Black Nazarene sa Quiapo na si Fr. Douglas Badong sa mga pulitiko na huwag “umepal” sa Translacion 2019 sa Miyerkules, Enero 9.
Ayon kay Badong, hindi nila papayagan ang paglalagay ng mga tarpaulin sa ruta ng Traslacion, o ang mga may mukha at pangalan ng mga pulitiko na bumabati sa mga residente kaugnay ng pista.
Aniya, lahat ng tarpaulin ng mga pulitiko na dati nang nakakabit sa mga kalyeng daraanan ng prusisyon ay tatanggalin nila, dahil mistulang nagsasamantala umano ang ilang pulitiko sa okasyon upang maagang makapangampanya.
Kasabay nito, tiniyak kahapon ng pamunuan ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) na puspusan na ang ginagawa nilang paghahanda sa ilalatag na seguridad para sa Traslacion.
Sa press briefing sa Quiapo Church kahapon ng umaga, sinabi ni NCRPO Director Guillermo Lorenzo Eleazar na nasa 85 porsiyento nang tapos ang preparasyon ng Philippine National Police (PNP) para sa Traslacion, na inaasahang dadagsain ng dalawa hanggang limang milyong deboto.
Naka-full alert sa buong panahon ng prusisyon, pinayuhan ng PNP ang mga deboto na huwag nang magdala ng cell phone— na hindi rin magagamit dahil papatayin ang signal sa lahat ng lugar ng Traslacion—mga canister, at bags.
Magpapatupad din ng “no-fly zone” at “no-sail zone” sa Traslacion bilang bahagi ng ipatutupad nilang seguridad.
Sinabi naman ni Manila Police District (MPD) Director Senior Supt. Vicente Danao Jr. na simula 6:00 ng umaga ng Enero 8 ay magpapatupad sila ng “complete liquor ban” sa Quiapo, partikular na sa procession route.
-Mary Ann Santiago