SIMULA na ngayon ang bagong taon, na puno ng pag-asa na magiging mas maganda sa nakararami sa atin sa bansang ito na binubuo ng 108 milyong katao, sa lokal at pandaigdigang ugnayan.
Sa nagdaang taon naranasan ang mga problema na pinangunahan ng inflation rate na ikinabahala ng lahat, ang mga ekonomista at misis na nahaharap nagsipagtaasang presyo ng mga bilihin, nitong Mayo nang umabot ang inflation rate sa 4.5 porsiyento, at pagsapit ng Hulyo ay tumaas sa 5.7%, at nagpatuloy sa pagtaas sa 6.4% noong Agosto, hanggang sa 6.7% nitong Setyembre, bago nagsimulang bumaba.
Natigil ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army, ngunit tapos na ang rebelyon ng Moro Islamic Liberation Front sa nakatakdang pagtatatag ng Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Minadanao.
Nagpatuloy ang pagpupuslit ng droga na bilyun-bilyong halaga ng shabu ang nakalusot sa pamamagitan ng magnetic scrap lifters, ngunit ang mga namamatay sa kampanya laban sa droga ay bumaba. Ang problema ay nananatiling malaking hamon sa gobyerno nang madiskubre na maraming pulitiko ang sangkot sa droga.
Sa nakalipas na taon naganap ang pagpapatalsik sa punong mahistrado sa pamamagitan ng quo warranto proceedings, debate sa Kongreso at sa pagpupulong sa pederalismo at Charter Change, isang hindi inaasahang pagbabago sa Kamara de Representantes, at ang pagsisimula ng paghahanda para sa midterm elections sa Mayo.
Inulan at binagyo rin ang ating bansa nitong 2018, ngunit hindi na ito bago sa atin. Ang hindi inaasahan ay ang pagsasara ng Boracay sa loob ng anim na buwan, ngunit muli na itong nagbukas bilang pangunahing atraksiyon. Napagtanto ng gobyerno na mas matindi ang problema ng Manila Bay kaya kumikilos na ito upang linisin ang baybayin.
Ang pinakamagandang balita nitong 2018 ay naganap nitong huling bahagi ng taon— ang pagbabalik sa mga Kampana ng Balangiga makalipas ang 117 taon, at ang pagkapanalo ng Pilipinas sa Miss Universe sa katauhan ni Catriona Gray. Ang mga ito at ang pagtatapos ng taas-presyo ng mga bilihin ang nagpaganda sa pagtatapos ng 2018 at nagbibigay pag-asa sa 2019.
Hindi natin maiiwasan na maharap sa mga problema ngayong bagong taon, ngunit pinatibay tayo at, sana, pinawais ng 2018. Umaasa tayo na makahanap ng bagong oil reserves sa West Philippine Sea sa ilalim ng proyekto sa pagitan ng China. Nasimulan na natin at ipagpapatuloy sa 2019 ang “Build, Build, Build” infrastructure program ni Pangulong Duterte, na may malaking epekto sa ating ekonomiya.
Kailangan nating harapin ang ilang problema ngayong bagong taon, gaya ng mga pagpatay na dumungis sa nakalipas na mga eleksiyon. Kailangan nating masiguro na may sapat na bigas, ang pangunahin nating pagkain, na may sapat na supply na, balang-araw, hindi na kakailanganin umangkat.
At dapat din nating pagtuunan ang mga problema sa labas ng ating bansa — tinatapos na ng Amerika ang papel nito bilang pulis ng mundo, lumalawak ang impluwensiya ng China sa Asya at Africa, lumalakas ang militar ng Japan matapos ang ilang dekada, at ang patuloy na panganib sa kakayanang nukleyar ng North Korea.
Marami tayong posibleng maging problema, ngunit marami ring plano para sa 2019. Kaya dapat nating salubungin ang bagong taon nang may pag-asa, para sa mga tao at sa mundo.