SA pagsalubong sa Bagong Taon, tayong mga Pilipino ay maraming ginagawa bilang bahagi ng pagdiriwang ng Bagong Taon. Sa pamamagitan ito ng ingay ng mga paputok, na kung minsan ay hindi maiwasan na may napuputukan ang mga daliri at kamay. May mga daliri naman ng kamay na kapag naputukan ay nagiging parang longganisa at tocino. May napuputulan din ng mga daliri. May nalalapnos din ang mukha.
Marami rin tayong mga kababayan na may paniniwala na itinataboy daw ng ingay ang masamang ispiritu sa kapaligiran, na dahilan ng kalungkutan sa aalis na taon. At sasalubong na may pag-asa at kagalakan sa papasok na Bagong Taon.
Sa pagsapit ng Bagong Taon, isa ring paniwala at kaugalian ang paggawa ng mga resolution o pangako. Ito ay tulad ng pagbabago ng masamang ugali, asal, gawain at iba pang kaugaliang hindi na muling gagawin. Papalitan ng isang bagong pag-uugali at asal, na magiging karapat-dapat sa kapwa tao at maganda sa mata ng Dakilang Lumikha.
May mga nagsusuot din ng mga damit na may polka dots o may bilog-bilog na disenyo. Sagisag o simbolo raw ito ng pera. May naglalagay din ng 12 uri ng prutas na bilog sa mesa tulad ng ubas, dalandan o ponkan, pakwan, tsiko lukban o suha, bayabas at iba pang bilog na bungang-kahoy. Sagisag daw ito ng 12 buwan ng Bagong Taon.
Tanawin din tuwing sumasapit ang Bagong Taon ang reunion o pagtitipun-tipon at salu-salo ng mga pamilya at magkakalayong kamag-anak upang lalong pagtibayin ang buklod ng kanilang angkan.
Sa buhay naman ng mga binata at dalaga, ang Bagong Taon ay isang magandang okasyon na ang matagal nang iniluluhog na pag-ibig ay magkaroon na ng liwanag. Ngunit hindi rin nangyayari sapagkat may mga dalagang pakipot din sa pagsagot ng matamis na “oo” sa kanilang manliligaw.
Sa mga tumatandang dalaga naman, ang Bagong Taon ay isang pagkakataon na sagutin na ang kanilang manliligaw. Kasunod na nito ang pamamanhikan at pagpapakasal. Itinatapat pa ang kasal sa kabilugan ng buwan.
May mga nagpapakasal sa unang buwan ng Bagong Taon laluna kung kabilugan na ng buwan. Ngunit kapag ang dalaga ay nagpakipot pa sa binata o biyudong manliligaw, tatanda siyang dalaga hanggang sa sumapit ang panahon sa kanyang buhay na siya’y nag-menopause na o inurungan na ng regla.
Ang Bagong Taon ay laging inilalarawan na isang bagong silang na sanggol o baby. Ito ay may kahulugang hindi natitiyak ang magiging buhay o kapalaran sa panahong lalakbayin sa Bagong Taon. Nangangahulugan din ito ng bagong pag-asa at simula ng bagong buhay at pagkakataon.
Ngunit anuman ang ating magiging paniniwala, pananaw, paraan at pakahulugan sa mga tradisyon at kaugalian kung sumasapit ang Bagong Taon, ang mahalaga’y may hatid na pag-asa ito sa bawat tao anuman ang kalagayan niya sa buhay. May pananalig sa Dakilang Maykapal na sa kapalaran ng tao ay Siya lamang ang nakababatid kung ano ang naghihintay at maaaring maganap sa buhay sa buong isang taon.
Kasing kahulugan ito ng mga taludtod ng Prinsipe ng mga makatang Pilipino na si Francisco Balagtas sa kanyang “Florante at Laura”: “Datapuwa’t sino ang tatarok kaya, sa mahal mong lihim Diyos na Dakila; Walang pangyayari sa balat ng lupa, ay may kagalingang Iyong ninanasa.” Ang paglipas at pagsapit ng Bagong Taon ay bahagi na ng ating buhay. Hindi rin ito nakaliligtaang ipagdiwang ng buong mundo. Iba-ibang paraan ng pagdiriwang. Sa paghahanda sa pagsapit ng Bagong Taon, naroon ang bagong pag-asa, pananalig at pananaw sa buhay. May kasabihan naman na, “Hindi totoong ang panahon ay lumilipas, ang totoo, tao tayong kumukupas.”
-Clemen Bautista