MAPAYAPA, maligaya at masaganang Bagong Taon sa lahat. Sa 2019, maiwasan na sana ang mga patayan na parang nagiging “new normal” sa mahal nating Pilipinas. Ang buhay ay mahalaga. Kaloob ito sa atin ng Diyos. Isipin na lang natin na milyung-milyong sperm cells ang lumalangoy sa sinapupunan ng isang babae upang isa lang nito ang magtagumpay at maging tao o magkaroon ng buhay upang pagkatapos ay basta-basta na lang papatayin.
Kung paniniwalaan ang Malacañang, isang kabiguan ang 50-year rebellion na inilulunsad ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) laban sa gobyerno. Para naman sa Armed Forces of the Philippines (AFP), ang rebelyon ng mga komunista ay nakahahadlang sa pag-unlad ng bansa.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na ang pag-aalsa o rebelyon ng CPP ay nagreresulta lang sa pagkamatay ng maraming tao at pagkawasak ng mga ari-arian.
Ang CPP ay nagdiwang ng ika-50 taong anibersaryo nito na itinatag ni Jose Ma. Sison noong December 26, 1968.
Kinantiyawan pa ni Panelo si Joma Sison na naka-self-exile sa Netherlands mula noong 1987 na nabubuhay nang maginhawa at sagana samantalang ang kanyang mga kasamahan ay namumuhay sa kabundukan at liblib na lugar at nangamamatay sa walang katuturang simulain.
Ito ang pahayag ni Panelo sa English: “The 50 years of Joma Sison’s rebellion speaks for itself. It’s a failed rebellion. It only resulted in loss of lives of Filipinos, especially the numerous young students who were killed in battles, skirmishes and in sickness in the hills, who could have served the country well in pacific and productive means, as well as destruction of properties.”
Kung ang mga Pilipino naman ang tatanungin, hindi sila kumporme na manaig ang komunista sa Pilipinas sapagkat ang komunismo ay isang ideolohiyang hindi naniniwala sa Diyos. Mahigit sa 80 porsiyento ng mga Pilipino ay Katoliko at naniniwala sa Diyos. Hindi nila kailanman matatanggap ang komunismo sa bansa na walang Diyos sapagkat ang pinaniniwalaan nila, ang kapangyarihan ay nanggagaling sa bunganga ng baril.
Ang usapang-pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at ng CPP-NPA-NDF ay nag-collapse dahil sa bangayan nina Pangulong Rodrigo Roa Duterte at Joma Sison. Noong Nobyembre 2017, lubusang tinanggihan ni PRRD ang peace negotiations sa mga komunista bagamat sapul nang siya’y nahalal na Pangulo noong 2016, ang “pangarap” niya ay magkaroon ng kasunduan sa kilusang komunista upang maging mapayapa ang ating bansa.
Nitong 2018, patuloy ang patutsadahan nina PDu30 at Joma at insultuhang personal. Tinawag ni Joma si Mano Digong na “an addict of pain-killer fentanyl and a bloodthirsty tyrant with malicious criminal mind.” Bilang ganti, sinabi ng ating Pangulo na si Sison ay naghihingalo na dahil sa colon cancer at malapit nang mamatay.
Ang gusto ng mga Pilipino ngayong 2019 ay mapawi ang mga patayan. Iwasan ng CPP-NPA-NDF ang mga pagpatay, pananambang sa mga pulis, sundalo at sibilyan. Iwasan naman ng PNP ang araw-araw na pagpatay sa mga pinaghihinalaang drug pushers at user, huwag agad-agad babarilin at sasabihing nanlaban!
-Bert de Guzman