Inihayag kahapon ni House Majority Leader Rolando Andaya Jr. na 19 na barangay sa bayan ng Matnog sa Sorsogon ang lubog ngayon sa baha dahil sa pananalasa ng bagyong ‘Usman’, kaya naman bukod sa Sorsogon ay nasa state of calamity din ang Albay at Camarines Sur sa Bicol Region.
Gayunman, sinabi ni Andaya na kahit isang sentimo ay hindi umano napaglaanan ang Matnog sa bilyun-bilyong pisong budget para flood control projects sa Sorsogon, sa ilalim ng 2019 National Expenditure Program.
“Malinaw na may problema ang DBM (Department of Budget and Management) sa budget allocation nila. For 2019, zero budget for flood control in Matnog. But a whooping P325 million allocated for Casiguran, which has no threat of flooding now or in the next 25 years,” sabi ni Andaya.
“What is really the basis of allocating public funds for flood control projects?” tanong pa ng mambabatas. “Isang bayan lang, hindi pa binabaha, may allocation na 0.3 percent ng P114.4-billion total national budget allocated by DBM for flood control projects next year.”
Aniya, uusisain ito ng House committee on rules sa DBM sa pagdinig na isasagawa sa Naga Ctiy ngayong Enero.
Kinumpirma naman ni Jsar Adornado, OIC chief ng Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Division ng Office of the Civil Defense (OCD)-Region 5, na naideklara na nitong Linggo ang state of calamity sa Sorsogon, Albay, at Camarines Sur, batay sa paunang assessment ng ahensiya sa pinsala ng Usman sa rehiyon.
Labis na napinsala ng bagyo ang tatlong lalawigan, at nasa anim ang nasawi sa Sorsogon, 15 sa Albay at 23 sa Camarines Sur, ayon sa OCD-Region 5. May kabuuang 57 ang namatay sa Bicol dahil sa bagyo.
Sinabi naman kahapon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na umakyat na sa 68 ang kabuuang bilang ng nasawi sa Usman, na nakaapekto sa 1,274 na pamilya o 4,906 na katao sa 36 na barangay sa Regions 5 at 8.
-BERT DE GUZMAN at NIÑO N. LUCES, ulat ni Francis Wakefield