Aabot sa mahigit 12,000 ang pasaherong na-stranded kahapon dahil sa pananalasa ng bagyong ‘Usman’ kahapon ng umaga.

Batay sa report ng Philippine Coast Guard (PCG) kahapon ng umaga, nasa 5,000 pasahero ang stranded sa iba’t ibang pantalan sa Eastern Visayas, aabot sa 2,000 sa Central Visayas, at mahigit 5,000 naman sa Matnog, Sorsogon.

Sinabi ni Capt. Giovanni Bergantin, hepe ng Philippine Coast Guard (PCG)-Eastern Visayas, na 1,291 pasahero ang stranded sa Ormoc, 40 sa Bato, 180 sa Liloan, 363 sa San Ricardo, 501 sa Balwarteco, 98 sa San Isidro, at 1,382 sa Jubasan.

Nakapagtala naman ang PCG-Central Visayas ng 98 stranded na rolling cargo at 25 barko sa rehiyon bandang 10:30 ng umaga kahapon.

National

3 suspek sa pagkidnap at pagpaslang kay Anson Que, driver nasakote na!

Nasa 1,600 pasahero ang stranded sa iba’t ibang terminal sa Cebu at Bohol, karamihan sa mga nakanselang biyahe ay sa Leyte, Eastern Samar, Masbate, at Sorsogon.

Sa Santiago, Ilocos Sur, napaulat na nawawala ang mga mangingisdang sina Nilo Etrata, 36, ng Barangay Gabao; at Gerald Tadena, 41, ng Bgy. San Roque, Santiago makaraang pumalaot sa West Philippines Sea.

Batay sa huling weather bulletin ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) kahapon, natukoy ang sentro ng Usman sa 230 kilometro sa silangan ng Guiuan, Eastern Samar.

Dala ng Usman ang lakas ng hanging nasa 55 kilometers per hour (kph) malapit sa gitna, at bugsong hanggang 65 kph.

Inaasahang magla-landfall ito sa Eastern Samar nitong Biyernes ng gabi, ayon sa PAGASA.

Bandang 11:00 ng umaga kahapon ay nasa 28 lalawigan na ang nasa Signal No. 1, kabilang ang Northern Palawan, Camarines Norte, Southern Quezon, Marinduque, Romblon, Catanduanes, Camarines Sur, Albay, Sorsogon, Masbate, Southern Occidental Mindoro, Southern Oriental Mindoro, Cuyo, Eastern Samar, Northern Samar, Samar, Biliran, Leyte, Southern Leyte, Northern Cebu including Camotes Islands, Aklan, Capiz, Iloilo, Guimaras, Antique, Northern Negros Occidental, at Dinagat Islands.

-BETH CAMIA, MARIE TONETTE GRACE MARTICIO, at CALVIN D. CORDOVA, ulat nina Jun Fabon, Freddie G. Lazaro, at Alexandria Dennise San Juan