Umakyat na sa 40 ang bilang ng mga biktima ng paputok sa bansa.
Sa Fireworks-Related Injuries (FWRI) Report #7 ng Department of Health (DoH), nabatid na mula 6:00 ng umaga ng Disyembre 27 hanggang 5:59 ng umaga ng Disyembre 28, 2018 ay walong biktima pa ng paputok ang nadagdag.
Karagdagan ito sa 32 na unang naitala mula 6:00 ng umaga ng Disyembre 21 hanggang 5:59 ng umaga ng Disyembre 27.
Ang mga bagong FWRI cases ay mula sa Regions IV-A, na may dalawang kaso; habang tig-iisang kaso naman ang naitala sa Regions II, III, VII, VIII, at Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Kahit umabot na sa 40 ang naitatalang FWRI cases, na nasa edad dalawa hanggang 69, ipinagmalaki ng DoH na mas mababa rin ang naturang bilang ng 38 kaso o 49%, kumpara sa 78 na naitala sa kaparehong panahon noong 2017.
-Mary Ann Santiago