Aminado ang Department of Health (DoH) na hamon sa kanila na maibalik ang tiwala ng publiko sa vaccination program ng pamahalaan.
Ayon kay Health Undersecretary Rolando Enrique Domingo, bumaba ang immunization coverage sa bansa ngayong 2018.
Mula sa 70 porsiyento noong nakalipas na mga taon ay naging 40% na lamang ito ngayong 2018 dahil na rin sa pumutok na isyu sa anti-dengue vaccine na Dengvaxia.
Ayon kay Domingo, hindi lang ang anti-dengue vaccine ang naapektuhan ng isyu kundi maging ang lahat ng bakuna at maging mga pampurga.
Tiniyak naman ni Domingo na gumagawa ng mga paraan ang kagawaran upang maimulat ang publiko sa kahalagahan ng bakuna at mahikayat ang mga ito na pabakunahan ang kanilang mga anak.
Aminado naman si Domingo na mas nahihirapan silang hikayatin ang mga taga-Metro Manila, na mas lantad sa mga balita hinggil sa Dengvaxia.
Siniguro naman ni Domingo na hindi sila susuko at higit pang magsusumikap sa kanilang kampanya para sa bakuna.
-Mary Ann Santiago