Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na kasuhan ang mag-amang sina Iloilo Rep. Richard Garin, asawa ni dating Health Secretary Janette Garin, at Guimbal, Iloilo Mayor Oscar Garin kaugnay ng panggugulpi ng mga ito sa isang pulis sa nasabing bayan, nitong Miyerkules ng madaling araw.
“Well, kung may kasalanan man ang pulis, it’s not a reason, especially a police officer, na bugbugin mo,” sinabi ni Duterte sa mga mamamahayag nang dumalaw siya sa burol ni Ako Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe sa Daraga, Albay nitong Miyerkules ng gabi.
“So they will have to file the case. Direct assault... I’m not urging him (Año). I’m ordering him to file a case against the two,” dagdag niya. “We’ll file charges I will ask General Año to take a look kung bakit nagkaganun, investigate.”
Sa pahayag ni Año, iniutos na niya ang imbestigasyon laban sa mag-ama, na posibleng makasuhan ng physical injuries at direct assault in person of authority sa pananakit kay PO3 Federico Macaya, Jr., 41, ng Barangay Sambag, Jaro, Iloilo, at nakatalaga sa Guimbal Police.
PINAGTULUNGAN
Sa ulat ng Guimbal Police, tinawagan ng hepe nilang si Senior Insp. Antonio Monreal, Jr. si Macaya na magtungo sa town plaza upang makipagkita sa mag-ama.
Pagdating sa lugar, inatasan ng kongresista si Monreal na disarmahan si Macaya kasabay ng pag-agaw ni Garin sa posas nito at ipinosas ang biktima.
Ayon sa report, pinagsisipa at pinagsasampal umano ng kongresista ang pulis na hindi lumalaban.
Hindi pa nasiyahan, nagpaputok pa umano ng baril si Garin habang nanonood ang amang alkalde, na bigla rin umanong tinutukan ng baril ang biktima.
Ang insidente ay nagresulta sa pagkasugat ni Macaya, kabilang ang pagtatamo ng pasa sa kaliwang mata.
Ayon sa ulat, nag-ugat ang insidente matapos paratangan ng kongresista si Macaya na nakipagsabwatan sa isang menor de edad na biktima ng kaguluhan upang huwag nang magsampa ng kaso laban sa suspek, na anak ng isang konsehal sa Guimbal, nitong Disyembre 22.
NAG-SORRY,
PINARUSAHAN PA RIN
Humingi na ng tawad ang kongresista sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP) kaugnay ng insidente.
Kaagad namang binawi ng Police Regional Office (PRO)-6 ang mga police escort ng mag-amang Garin kasunod ng insidente, at hiniling na rin ni PRO-6 Director, Chief Supt. John Bulalacao sa National Police Commission (Napolcom) at DILG na tanggalan ng police power ang alkalde.
Tiniyak din ng DILG na bukod sa kasong kriminal, sasampahan din nila ng kasong administratibo ang mag-ama sa Office of the Ombudsman.
Sa kaso ng kongresista, sinabi ni Año na irerekomenda nila sa Kamara na patawan ng kaukulang parusa ang mambabatas sa nangyari.
Tinanggalan na rin ng PNP ng pribelehiyong makapagmay-ari ng baril ang mag-ama.
“Effective today, I have ordered the cancellation of all Permits to Carry Firearms outside of Residence and License to Own and Possess Firearms issued by the PNP in favor of Iloilo 1st District Rep. Richard Garin and incumbent Mayor Oscar Garin of Guimbal, Iloilo as an administrative action to their involvement in a criminal case involving the use of firearms,” sabi ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde.
-BETH CAMIA at JUN FABON, ulat nina Fer Taboy, Chito Chavez, Tara Yap, at Aaron Recuenco