Nagdagdag pa si Pangulong Duterte ng P20 milyon sa pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon kaugnay ng pagpatay kay Ako-Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe, kaya may kabuuan nang P50 milyon ang reward money para sa ikareresolba ng kaso.
Ito ang inihayag ng Presidente nang dumalaw siya sa burol ng pinaslang na kongresista sa Bicol University sa Daraga, Albay nitong Miyerkules. Pinagbabaril si Batocabe at kanyang police escort matapos siyang mamahagi ng mga regalo sa mga senior citizen at mga may kapansanan nitong Sabado.
Si Batocabe ay kandidato para alkalde ng Daraga sa eleksiyon sa susunod na taon.
“I’ll just reiterate my warning that I will not allow—well, as a worker of government also, to just sit on our ass and allow these things to happen. So I’m very much interested in the solution,” sinabi ni Duterte sa mga mamamahayag na naroon sa Daraga.
“The reward at this time is P30 million. I’m raising the ante. I’m putting it at plus P20 [million] to 50 [million pesos]. Ang sabihin mo lang, tip lang. Bigyan mo isang tip lang,” dagdag ni Duterte. “Huwag mong ibulgar. Huwag kang magbigay ng pangalan. Text mo lang.”
PULITIKO PINAGSUSUSPETSAHAN
Sinabi pa ng Pangulo na isang hindi niya pinangalanang pulitiko ang pinaghihinalaan niyang may motibo para ipapatay si Batocabe. Aniya, personal niyang kukumprontahin ang nasabing pulitiko kapag nakakuha siya ng ebidensiya kaugnay ng kanyang hinala.
“I have my reasons also to suspect the guy. Huwag mong gawain ‘yan kasi hindi lahat tao matatakot nang ganun. Kaya ‘pag ikaw ang natamaan nito, babalik ako dito, pahiyain kita,” ani Duterte.
“You know what, akyatin kita sa bahay mo, sampalin kita. Kung gusto mong subukan, gagawa ka pa ng isang kalokohan.
“Ngayon, ‘pag napundi ako sa’yo, p***** i** mo, babarilin kita. Kung ‘yan ang paraan lang para magkaroon tayo ng kapayapaan, na peaceful election then do not f*** the system. Better behave.
“If I say politically motivated, it could be a politician, it could be the mayor, it could the governor, or a barangay captain. But my favorite name now is mayor. But I’m not saying who that mayor is.
“I join the widow. Baka ikaw nga. Kaya may tatakbo as substitute. P****** i** mo, matatalo ka man talaga. Do not try to be desperate and do folly things because you’ll have to deal with the government, the people, the Armed Forces, pati the Philippine National Police. Huwag ka talagang... Baka susunod ka.”
WARNING NI DIGONG
Kasabay nito, nagbabala si Duterte sa mga pulitikong nagpapapatay ng kanilang mga kalaban.
“And may warning lang ako sa mga kandidato na who are prone to just kill their political opponents, precisely to win. Lalo na ‘yung mga tao na yumaman diyan sa puwesto.
“If you are the one na gumagawa ng kalokohan, pinapatay ‘yung mga kalaban, p****** i** mo pupuntahan kita dito. I will personally confront you. ‘Pag hindi tayo nagkaintindihan, sampalin kita dito sa harap ng… at kung may ebidensya ko, kaladkarin kita.”
COMELEC CONTROL
Sinabi pa ng Pangulo na inirekomenda niya kay Commission on Elections (Comelec) Chairman Sheriff Abas na isailalim sa kontrol ng poll body ang Daraga, Albay.
“Anyway there’s really lawlessness and ‘yung violent crimes during election, I just called the chairman of the Comelec and recommended to him to place Daraga under Comelec control,” ani Duterte.
-Argyll Cyrus B. Geducos at Beth Camia