Hindi pa rin isinasantabi ng Philippine National Police (PNP) ang anggulong kagagawan ng New People’s Army (NPA) ang pamamaslang kay Ako Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe at sa police escort nito, kamakailan.
Sa isang pulong balitaan sa Camp Simeon Ola sa Legazpi City, Albay, sinabi ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde na patuloy pa rin ang sinasagawa nilang masusing imbestigasyon kung may partisipasyon ang mga rebelde sa krimen.
Ito ay sa kabila ng naunang pagtanggi ng kilusan na sila ang nasa likod ng pamamaslang.
“Ano po ‘yan, puwedeng hindi sanction nila ‘yun, pero ‘yung tao are the one involved, are the same people. Puwedeng tao rin nila, pero iba ang trabaho. Puwede po ‘yun eh. Parang pulis, pulis sa umaga pero nagmo-moonlight pala siya ng gabi. Nagbabato ng security pero hindi sanction ng PNP. Parang ganun. Hindi sanctioned probably pero it’s a personal thing. Trabaho, parang sideline niya,” paliwanag ni Albayalde.
Dalawang anggulo, aniya, ang sinisilip nila sa krimen.
“Heto ‘yung tinitingnan natin. Heto ‘yung sinasabi na we are not discounting the possibilities dito. Hindi tayo nakatutok lang sa political motive, pati dito nakatutok tayo. It’s not the group by the person,” aniya pa.
Binibigyang-pansin din, aniya, nila ang anggulong may kinalaman ito sa pulitika ngunit wala pa umano silang matibay na ebidensya na nagtuturo sa kalaban nito (Batocabe) sa pulitika.
“Yung palaging lumalabas na itinuturo, alam naman namin na may tinuturo, we probably, I would like to withhold names na muna, para hindi naman unfair dun sa mayor na ‘yun,” aniya.
Aminado rin si Albayalde na marami na silang nakuhang impormasyon na nagsusumbong na ang kalaban ni Batocabe sa pulitika ang nasa likod ng pagpatay.
Matatandaang pinagbabaril ng mga hindi nakikilalang lalaki si Batocabe at security escort niyangh si SPO2 Orlando Diaz habang dumadalo sila sa isang gift-giving activity sa Daraga, Albay, nitong Sabado ng hapon.
Kaugnay nito, nakatakdang bumisita si Pangulong Duterte sa burol ni Batocabe sa Daraga, Albay.
Ito ang kinumpirma kahapon ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo.
Nauna nang binatikos ng Malakanyang ang pamamaslang sa kongresista kasabay ng pagsasabing iimbestigahan nila nang husto ang kaso.
Ayon naman kay Communications Secretary Martin Andanar, hindi titigil ang pamahalaan hangga’t hindi napapanagot ang responsible sa krimen.
-Niño N. Luces, Argyll Cyrus B. Geducos at Beth Camia