Kabilang ang isang anim na taong gulang na batang lalaki, na nakalunok ng pili cracker, sa 11 bagong kaso ng fireworks-related injuries (FWRI) na naitala ng Department of Health (DoH) kahapon, isang araw matapos ang Pasko.

Batay sa inilabas na FWRI Report #5, nabatid na ang naturang bata ay mula sa Tondo, Maynila at aksidenteng nakalunok ng pili cracker, na maaari umanong nagtataglay ng potassium nitrate at potassium chloride.

Kaagad namang naisugod sa Philippine General Hospital (PGH) ang bata, na naka-confine pa hanggang ngayon matapos na makitaan ng mga senyales ng pagkalason.

Kaugnay nito, sinabi ng DoH na batay sa kanilang monitoring, na sinimulan dakong 6:00 ng gabi noong Disyembre 21 hanggang 5:59 ng umaga ng Disyembre 26, umaabot na sa 24 ang kabuuang bilang ng mga nabibiktima ng paputok sa bansa, matapos na madagdagan pa ng 11 kaso ang unang 13 kaso na naiulat sa tanggapan hanggang 5:59 ng umaga ng Disyembre 25.

National

Bagyong Carina, nakalabas na ng PAR -- PAGASA

Sa kabila naman nito, sinabi ng DoH na mas mababa pa rin ang naturang bilang ng 28 kaso, o 54%, kumpara sa naitalang FWRI cases sa kahalintulad na reporting period noong 2017.

Ayon sa DoH, ang 11 bagong FWRI cases ay mula sa National Capital Region, na may apat na kaso; tatlo ang mula sa Region 6 at tig-isa naman sa Regions 4-A, 5, 7, at 9.

Ang mga biktima ay nasa edad dalawa hanggang 49, at 21 sa mga biktima ay lalaki.

Ang 22 sa nasabing bilang ay nasugatan sa paputok, na kinabibilangan ng boga, triangle, 5-star, kwitis, piccolo, camara, at iba pa, habang dalawa ang nabiktima ng fireworks ingestion, o nakalunok ng pulbura ng flash bomb at pili cracker.

Ang 15 sa kanila ay nasugatan o nalapnos lamang, tatlo ang kinakailangang putulan ng bahagi ng katawan tulad ng daliri, habang anim ang nagtamo ng sugat sa mata.

HALUNGKATIN, KUMPISKAHIN

Kaugnay nito, kinumbinsi ng DoH ang mga magulang na halungkatin ang mga gamit ng kanilang anak upang matiyak na walang itinatagong paputok ang mga ito.

Ayon kay DoH Secretary Francisco Duque III, hindi dapat magpapabaya ang mga magulang dahil ang kalusugan at kinabukasan ng kanilang mga anak ang nakataya sa usapin.

Dapat aniyang maging mahigpit at istrikto ang mga magulang at kung maaari ay i-check ang kuwarto ng mga bata, maging mga cabinet, drawer, mga bag at iba pang mga lugar at gamit ng mga ito, kung saan maaaring magtago ang kanilang mga anak ng paputok.

PAANONG ‘DI NA MAPAKIKINABANGAN?

Ipinayo rin ng kalihim sa mga magulang na kaagad na kumpiskahin ang mga paputok na itinatago ng kanilang mga anak.

Ang mga makukumpiskang paputok ay maaari umanong ibabad sa tubig o isilid sa plastic at ibaon sa lupa upang hindi na mapakinabangan pa.

-MARY ANN SANTIAGO