Kinumpirma kahapon ng Philippine Taekwondo Association (PTA) na inirekomenda ng komite nila na patawan ng “indefinite ban” ang Taekwondo practitioner na estudyante ng Ateneo de Manila University (AdMU) na makikita sa isang viral video habang ginugulpi ang kapwa niya estudyante sa loob ng palikuran ng unibersidad.
“The [PTA]’s ad hoc committee tasked to probe and evaluate the violent incident involving a young Taekwondo practitioner recommends a sanction of an indefinite ban of the student involved from all sanctioned events not limited to Taekwondo-related events, belt promotions, tournaments or facilities of member institutions effective immediately,” bahagi ng pahayag ng PTA, at pirmado ng pangulo nito na si Robert Aventajado.
Inirekomenda rin ng PTA na sumailalim sa rehabilitasyon at counseling ang bata, upang mabigyan ito ng pagkakataon na akuin ang responsibilidad sa ginawa, magpakita ng lubusang pagsisisi, at magkapagbigay ng positibong kontribusyon sa lipunan.
Nagbabala naman si Aventajado na sakaling tumanggi ang estudyante sa naturang opsiyon ay wala nang magagawa ang PTA kundi tuluyan itong i-expel sa samahan.
Matapos, aniya, ang rehabilitation program ay pag-aaralan ng PTA ang compliance ng estudyante, at ilalagay ito sa probationary status ng isang taon.
Samantala, sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na dapat na magsilbing “wake-up call” sa lahat ang insidente upang seryosong mabigyang-pansin ang anumang uri ng bullying sa paaralan.
“The issue of bullying is not just a problem of Ateneo de Manila University which can be solved by the dismissal of a student. It is also the problem of society itself,” sabi ni Briones.
-Mary Ann Santiago