Soffocation ang posibleng ikinamatay ng isang Amerikana, na ang bangkay ay ikinahon saka itinapon sa Pasig River ng kanyang nobyo, at kasamahan nito, na kapwa naaresto at nakasuhan na ng murder sa Malate, Maynila, nitong Linggo.

Ayon kay Mandaluyong City Police chief Senior Supt. Moises Villaceran, wala silang anumang nakitang sugat sa katawan ni Tomi Michelle Masters, 23, tubong Indiana, USA, at nanunuluyan sa isang condo tower sa Reliance Street, Barangay Highway Hills, Mandaluyong City, kaya posibleng namatay sa suffocation ang biktima.

“Initially, walang visible sign ng injury sa katawan ang victim,” ani Villaceran. “Baka ang breathing ang apektado niyan, o baka pinatulog siya. Dalawa lang ‘yan. Suffocation [ang ikinamatay], palagay ko.”

Sinabi pa ni Villaceran na may basag ang isang bahagi ng kahoy na kama ng biktima, kaya posible umanong sa kama ito sinakal hanggang sa mamatay.

PRO3, nilinaw pagkaaresto sa mga Aeta sa Mt. Pinatubo

Posible rin umanong nanlaban ang biktima dahil nakitaan ng mga pulis ng mga kalmot sa braso ang suspek, na nobyo ni Masters, na si Troy Woody Jr., 21, chief executive officer (CEO) ng Luxr Limited Liability Company, at kasama ng biktima na tumutuloy sa condo sa Mandaluyong.

Sinabi naman ni Villaceran na may mga nakalap na silang CCTV footages sa lugar, at kasalukuyan na nilang pinag-aaralan ang mga ito.

Kinumpirma naman ni Eastern Police District (EPD) Director Chief Supt. Bernabe Balba na kinasuhan na ng murder sa Mandaluyong Prosecutor’s Office si Woody at ang isa pang suspek na si Mir Islam, American national, at CEO din ng Luxr Limited Liability Company, taga- Bocobo Condominium sa Ermita.

Ayon kay Balba, Linggo ng hapon nang inaresto ng mga tauhan ng Mandaluyong City Police at Manila Police District (MPD)- Station 5 (Ermita) sina Woody at Islam, sa bahay ng huli.

Nauna rito, isang Grab driver ang nagsumbong sa MPD hinggil sa mga suspek, na nagtapon umano ng isang malaking box sa Pasig River, hanggang sa matuklasang bangkay ni Masters ang laman ng kahon.

Sa sumbong ng Grab driver, lumilitaw na dakong 2:00 ng umaga nang nagpasundo sa kanya ang mga suspek mula sa unit ni Woody sa Mandaluyong, na may dalang malaking kahon, at nagpahatid sa Robinson’s Mall sa Malate, Manila.

Nagduda naman ang Grab driver nang sabihan siya ng mga suspek na dumaan muna sila sa Pasig River sa Baseco Compound sa Port Area, at nakita niya umanong itinapon doon ng mga suspek ang malaking kahon na dala ng mga ito.

Nang madispatsa ang kahon ay nagpahatid na ang mga suspek sa kanilang orihinal na destinasyon.

Dahil dito, kaagad na nagtungo sa General Assignment and Investigation Section (GAIS) ng MPD ang driver at ini-report ang insidente.

Inaresto ng mga pulis ang mga suspek at nagtungo sa Pasig River sa Baseco, hanggang sa marekober ang kahon na naglalaman ng bangkay ni Masters, na isinilid pa sa isang itim na garbage bag, saka ibinalot ng duct tape.

-MARY ANN SANTIAGO