Kalaboso ang isang motorcycle rider makaraan niyang umbagin umano ang doktor na gagamot sana sa kanya sa loob ng emergency room ng isang ospital sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.
Nahaharap sa kasong physical injury si Jake Harcer, 25, ng Area C, Camarin, dahil sa panununtok umano kay Dr. Emerson Malala, 42, ng Barangay Marulas, Valenzuela City.
Ayon sa report, dakong 2:50 ng umaga nang isinugod sa emergency room ng Dr. Jose N. Rodriguez Hospital si Harcer, dahil sa mga sugat nito sa katawan at braso matapos sumemplang sa motorsiklo.
Dahil nakainom, nagalit ang suspek nang maantala sa pagdating ang doktor na gagamot sa kanya.
Nang dumating si Malala para suriin si Harcer, nagalit ang huli at sumigaw: “Ang aarte n’yo, mga peste kayo!”
Nabanas ang doktor at nagtalo ang dalawa, hanggang sa suntukin umano ni Harcer si Malala, bagamat mabilis na umawat ang security guard sa ospital.
Nagresponde ang mga operatiba ng Police Community Precinct (PCP) 4 at ikinulong ang suspek pagkatapos gamutin ng ibang doktor ang mga sugat nito sa katawan.
-Orly L. Barcala