Patuloy pa ring tinutupad ni Pangulong Duterte ang tradisyon niya ng pagbisita sa mga batang may cancer sa kanyang bayan sa Davao City, sa bawat Pasko.
Pinuntahan ng Pangulo nitong Linggo ng gabi ang mga pasyenteng ito sa House of Hope, isang pasilidad na nakalaan sa kabataang may cancer.
Ang nasabing pasilidad ay nasa Southern Philippines Medical Center (SMPC) sa nabanggit na lungsod.
Sa mga larawang isinapubliko ng Malacañang, makikita na namimigay ang Pangulo ng mga regalo sa pediatric cancer patients.
Nakipagbiruan din si Duterte sa mga ito habang ang iba sa mga pasyente ay natutulog at hindi alintana ang pagdalaw ng Presidente.
Bukod dito, namahagi rin si Duterte ng pagkain, mga laruan at pera sa mga pasyente.
Paliwanag ng Palasyo, naging tradisyon na ng Pangulo ang pagbisita sa mga batang may cancer tuwing Pasko
-Argyll Cyrus B. Geducos