Tatalakayin ng mga opisyal ng Commission on Elections (Comelec) ang panawagan na ideklarang election hotspot ang Albay kasunod ng pagkakapaslang kay Ako Bicol Rep. Rodel Batocabe sa lalawigan, kamakailan.

Ito ang tiniyak ni Comelec Spokesman James Jimenez at sinabing idadaan nila ang usapin sa en banc.

“I really can’t say what the en banc will do at this point. I can assure you that this matter will be brought up before the en banc at the earliest possible opportunity. In the meantime, I have been assured that the police are currently looking into the incident,” ayon kay Jimenez.

Aniya, nakikipag-ugnayan na sila sa pulisya para sa patuloy na imbestigasyon sa kaso ng pagkakapaslang sa kongresista, na kandidato para alkalde sa bayan ng Daraga.

National

Batikang journalist binaril sa loob ng bahay sa Aklan, patay!

Ang reaksyon ni Jimenez ay bilang tugon sa panawagan ni Senator Nancy Binay na ibilang na sa mga election hotspots ang Albay upang matiyak ang kaligtasan ng mamamayan nito.

Kasabay nito, naglunsad ng panibagong imbestigasyon ang pulisya upang matukoy kung may kinalaman sa pagkakapaslang kay Batocabe ang pagkakadiskubre sa dalawang hindi nakilalang bangkay at panloloob sa bahay ng isa pang party-list representative sa Albay, isang araw makaraang paslangin si Batocabe.

“The possible link is being investigated. There are speculations that the cadavers could be the assailants and that they too were executed,” sabi ni Philippine National Police (PNP) Chief Director Gen. Oscar Albayalde.

Gayunman, sinabi ni Albayalde na isa pa lang itong haka-haka, gayundin sa posibleng pagkakaugnay ng insidente sa pagnanakaw sa bahay ni Ako Bicol Party-list Rep. Alfredo Garbin sa Legazpi City, kung saan natangay ang P500,000 cash at tseke sa bahay ng kongresista.

“Napakaano naman ito kung coincidence na tinatawag. Kailangan talaga maimbestigahan nang malaliman ang pangyayaring ito,” ani Albayalde.

-Leslie Ann G. Aquino at Aaron B. Recuenco