Lumobo na sa pito ang bilang ng mga batang nabibiktima ng paputok hanggang kahapon, kabilang ang isang tatlong taong gulang na babae na aksidenteng nakalunok ng pulbura ng “flash bomb” sa Valenzuela City.

Batay sa Firework-Related Injuries (FWRI) Report #3 na inilabas ng Department of Health (DoH) kahapon, simula 6:00 ng umaga ng Disyembre 21 hanggang 5:59 ng umaga ng Disyembre 24 ay nadagdagan pa ng dalawa ang limang biktima ng paputok.

Kabilang sa mga bagong kaso ay isang tatlong taong gulang na babae mula sa Valenzuela City, na aksidente umanong nakalunok ng paputok na laman ng flash bomb nitong Disyembre 21.

Disyembre 22 nang ma-admit sa Philippine General Hospital (PGH) ang bata at nabigyan na ito ng omeprazole at supportive treatment, at nai-refer na rin sa toxicologist at gastroenterologist.

Internasyonal

1 sa 3 college students, nagse-cellphone habang nakikipagbembangan—survey

Samantala, ang isa pang biktima na batang lalaki naman ay mula sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), at nasugatan naman dahil sa paggamit ng piccolo, na kabilang sa deklaradong illegal firecrackers.

Kahit naman umabot na sa pito ang kabuuang bilang ng FWRI ngayong taon, sinabi ng DoH na mas mababa pa rin ito ng anim na kaso o 46% mula sa 13 naitala sa kahalintulad na petsa noong nakaraang taon, at mas mababa ng 15 kaso, o 68%, sa five-year average.

Anim sa mga biktima ay lalaki, at isa ang babae, at ang mga biktima ay may age range na dalawa hanggang 13.

Lima ang active users at sa bahay nila mismo naputukan, habang apat ang gumamit ng illegal na fireworks sa pagpapaputok.

Ang mga paputok naman na ginamit ng mga biktima ay boga, five star, camara, kuwitis, piccolo at flash bomb.

Apat sa mga biktima ay nasugatan at nalapnos ngunit hindi kinailangang putulan ng bahagi ng katawan, isa ang naputulan ng daliri, isa ang nasugatan sa mata, at dalawa ang nasugatan at nalapnos na ay nagtamo pa ng sugat sa kanilang mga mata.

-Mary Ann Santiago