Sa layuning matiyak na agarang makakamit ang hustisya sa pamamaslang kay Ako Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe, nangalap ang mga kapwa kongresista ng pabuya upang kaagad na maaresto ang mga pumatay sa kanilang kabaro, at inaasahang aabot ito sa P25 milyon hanggang P30 milyon.

Ayon kay Negros Occidental Rep. Albee Benitez, presidente ng House Visayan Bloc, nasa 168 kongresista ang nagkaloob ng P30,000 bawat isa, bukod pa sa P15 milyon na inilaan ng Ako Bicol Party-list at P2 milyon mula naman sa pamahalaang panglalawigan ng Albay.

“Puwedeng umabot ng P25 million kasi may commitment ang Ako Bicol na P15 million, P2 million sa provincial government ng Albay, at sa House na at least P30,000 each of over 100 congressmen and counting,” sabi ni Benitez.

Aniya, may kabuuang 168 miyembro ng Kamara ang nangakong mag-aambag para sa pabuya, kaya umabot na sa mahigit P5 milyon ang nakakalap sa Mababang Kapulungan.

PRO3, nilinaw pagkaaresto sa mga Aeta sa Mt. Pinatubo

“Initially we have gathered around P25 million to put up a bounty and help identity mastermind/masterminds immediately. In fact, it could reach P30 million,” sabi naman ni AKO Bicol Party-list Rep. Alfredo Garbin.

Sa kanyang personal na pagdalaw sa burol ni Batocabe sa Ricardo Arcilla Hall sa Bicol University sa Daraga, Albay kahapon ng umaga, kinondena ni Speaker Gloria Macapagal Arroyo ang pamamaslang sa “very popular” at “very much loves” na kongresista, at umaasang kaagad na madadakip at mapapanagot ang mga suspek.

PNP AT NBI MAGTUTULUNGAN

Iniutos na ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde ang pagbuo ng special investigation task group upang mapabilis ang pagresolba sa pagpatay Kay Batocabe at sa police escort nitong si SPO1 Rolando Diaz noong Sabado ng hapon.

“I have directed the creation of a Special Investigation Task Group (SITG) to mobilize all available resources and to orchestrate all aspects of investigation to ensure that justice is served as soon as possible to both the victims and their families,” sabi ni Albayalde.

Kabilang sa mga responsibilidad ng SITG ang pagtukoy sa mga salarin, partikular sa posibleng nagpapapatay kay Batocabe.

Ipinag-utos na rin ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa National Bureau of Investigation (NBI) na tulungan ang PNP sa ginagawang pagsisiyasat sa insidente.

Katatapos lang ng kongresista na mamahagi ng mga regalo sa mga senior citizen at may kapansanan sa Daraga, Albay—kung saan siya kumakandidatong alkalde—nang pagbabarilin siya at si Diaz ng mga hindi nakilalang lalaki.

“We appeal to the public to immediately report to the police any information that could lead us to the perpetrators and to help us quickly solve this case,” ani Albayalde.

DAHIL SA PULITIKA

Batay sa imbestigasyon, nagtamo si Batocabe ng walong tama ng bala sa katawan, habang anim naman ang tama ni Diaz.

Pulitika ang tinitingnang motibo sa pagpatay kay Batocabe, na nasa huling termino na bilang kinatawan ng Ako Bicol, at kandidato para alkalde ng Daraga, bagamat ikinokonsidera rin ang pagkakasangkot ng New People’s Army (NPA) sa insidente.

Sa Lunes, Disyembre 31, ang libing ni Batocabe sa Daraga, habang isang memorial service ang idaraos sa Kamara de Representantes sa Quezon City sa Enero 14, 2019.

May ulat nina Aaron Recuenco at Beth Camia

-CHARISSA M. LUCI-ATIENZA