Makalipas ang isang linggong pamamalagi sa kulungan, pinalaya na ng pulisya ang anak at katukayo ni Bureau of Corrections (BuCor) chief, Director General Nicanor Faeldon, makaraang ibasura ng korte ang kasong may kaugnayan sa droga na isinampa laban dito.

Kinumpirma ni Police Regional Office (PRO)-5 Director Chief Supt. Arnel Escobal na pinalabas na ng Naga City Police detention facility si Nicanor Faeldon Jr. nitong Biyernes, Disyembre 21.

Unang kinasuhan ang 32-anyos na si Faeldon Jr. ng paglabag sa Section 7 (visiting a drug den) ng Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165) nang maaresto sa isang hinihinalang drug den sa Barangay Mabolo, Naga City, nitong Disyembre 14.

Sinusugan naman ng Naga City Police ang nasabing kaso nang igiit na hindi bisita si Faeldon Jr. sa sinalakay na lugar, dahil doon ito nakatira.

National

Kitty Duterte, ibinahagi latest na mensahe ni FPRRD sa kanilang pamilya

Gayunman, ibinasura ng piskal ang kaso matapos ang hatol ng korte na “[there was] not enough evidence” upang patunayan na drug den nga ang bahay kung saan naaresto si Faeldon Jr.

Nakalaya rin sa parehong rason sina Allan Valdez at Manuel Nebres, kapwa nasa hustong gulang, na kasama ni Faeldon nang maaresto, habang nakapiit pa ang may-ari ng bahay na si Russel Lanuzo, alyas “Bubbles”.

Paliwanag ni Escobal, hindi pinayagang makalaya si Lanuzo dahil natagpuan sa loob ng bahay nito ang pitong pakete ng shabu.

-Martin A. Sadongdong