Pinatalsik na ng Ateneo de Manila University (AdMU) ang kanilang estudyante na nag-viral sa social media dahil sa pambu-bully at pananakit sa kapwa niya estudyante sa loob ng naturang unibersidad.

Sa memorandum na inilabas ng AdMU, na pirmado ng pangulo nito na si Jose Ramon T. Villarin SJ at nakarating sa tanggapan ng Department of Education (DepEd), dismissal ang naging parusa nila laban sa estudyante matapos ang masusing imbestigasyon at pakikinig sa panig ng magkabilang partido.

“After a thorough investigation that included listening to all parties involved, the decision of the administration is to impose the penalty of DISMISSAL on the student caught bullying another student in the comfort room of the school,” bahagi ng desisyon. “This means that he is no longer allowed to come back to the Ateneo.”

Samantala, sinabi ni Communications Secretary Martin Andanar na naiintindihan niya kung bakit nanggagalaiti ang mga netizens sa junior high school student.

VP Sara, magdiriwang ng birthday sa The Hague: 'Nag-promise ako sa mga magulang ko'

“Hindi mo rin ma-blame iyong nagsa-cyber-bullying kasi siyempre dehado iyong sinapak doon sa eskuwelahan ‘di ba, tapos nagdugo iyong mukha,” ani Andanar.

“Ngayon kung ako kasi iyong magulang makita mo na iyong bata na sinapak tapos duguan ang ilong ba iyon o bibig? Masakit iyon eh, masakit sa magulang iyon na iyon ay ginawa sa anak mo,” dagdag niya.

“Eh inaalagaan mo iyong anak mo tapos sabay sasapakin lang tapos dudugo iyong ilong ‘di ba? So hindi naman—masakit iyon para sa magulang,” pagpapatuloy niya

-MARY ANN SANTIAGO at ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS