Ipinatupad na kahapon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mas mataas na singil o multa sa mga lumabag sa illegal parking sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.
Ito ang kinumpirma ni MMDA Spokesperson at Assistant Secretary Celine Pialago.
Ayon kay Pialago, ang sasakyan na ilegal na nakaparada habang nasa loob ang driver nito ay pagmumultahin ng P1,000, mula sa dating P200.
Ang sasakyan namang ilegal na nakaparada at wala ang driver ay pagmumultahin ng P2,000 mula sa dating multa na P500.
Bibigyan naman umano ng traffic violation tickets ang sinumang lalabag sa batas-trapiko.
Aniya, isa sa mga nagpapasikip sa daloy ng trapiko ay ang mga sasakyang ilegal na nakaparada sa mga lansangan at iba pang sagabal na istruktura na sumasakop sa mga bangketa.
Pakiusap ni Pialago sa mga motorista, pairalin ang disiplina at sumunod sa batas-trapiko upang makaiwas sa anumang asunto at abala.
-BELLA GAMOTEA