SA isang saglit, ikinabahala na matatapos ang world climate change conference sa Katowice, Poland nang walang pagkakasundo sa pagtanggi ng apat na bansa—ang Estados Unidos, Russia, Saudi Arabia at Kuwait—na lagdaan ang orihinal na pinal na pahayag na sumasang-ayon sa ulat ng Intergovernment Panel on Climate Change (IPCC) na suportado ng United Nations.
Nagbabala ang mga siyentista ng IPCC sa isang sakuna na maaaring mangyari kung hindi maipatutupad ang agarang aksiyon upang mabawasan ang carbon emission pagsapit ng 2030. Tanggap sa mungkahing pinal na pahayag ang ulat na ito, ngunit para sa apat na bansa, na pangunahing naglalabas ng mga lagis at ibang panggatong na ginagamit upang makalikha ng kuryente sa buong mundo, maaari lamang nila itong tandaan.
Sa huli, napagkasunduan nila ang pahayag na nagbabahagi ng pasasalamat sa mga siyentista na naghanda ng ulat at hinikayat ang mga bansa na gamitin at ikonsidera ang natuklasan ng kanilang pag-aaral. Habang ang isyu ng pagpapalitan ng “emissions allowances” sa “carbon market” para sa layuning mahikayat ang mga bansa at mga kumpanya na limitahan ang kanilang inilalabas na carbon ay nabimbin para sa susunod na taon.
Ngunit nagbigay ng kanya-kanyang pahayag ang mga bansa na dumalo sa kumperensiya ng pangako na ipapapatupad ang kanilang mga pambansang pagsisikap upang mapababa ang kanilang mga inilalabas na carbon bilang kanilang sariling kontribusyon sa pangkalahatang hangarin na mapanatili ang init ng mundo sa 1.5 degree Celsius (above preindustrial levels). Napagkasunduan nilang magbahagi ng impormasyon hinggil sa kanilang pagsulong sa pagpapatupad ng determinadong pambansang kontribusyon, na kanilang ipinasa sa kumperensiya sa Paris tatlong taon na ang nakararaan.
Inihahayag din ng kasunduan ngayong taon sa Katowice ang panuntunan sa pagtatatag ng bagong finance targets upang matulungan ang mga papaunlad na bansa na nagdurusa mula sa epekto ng climate change. Kabilang ang Pilipinas sa mga bansa na pinakaapekto ng pagtaas ng level ng karagatan at ang tumataas na bilang ng matitinding bagyo mula sa mainit na Karagatang Pasipiko.
Nakatakda sanang ibigay ng kumperensiya sa Watowice ang hangarin ng 2015 Paris Conference on Climate Change. Naisakatuparan naman ng iba’t ibang bansa na iulat ang kani-kanilang mga programa na pinuri ni Michal Kurtyka ng Poland, ang pangulo ng kumperensiya ngayong taon, bilang “a thousand little steps forward together.” Sinabi niya sa pagtatapos ng kumperensiya na “All nations can leave Watowice with a sense of pride, knowing that their efforts have paid off.”
Subalit higit pa sana rito ang makakamit kung nakiisa ang apat na bansang kumukuwestiyon sa ulat ng mga siyentista, sa mundo sa isang pandaigdigang kasunduan upang bawasan hindi man mahinto ang maraming aktibidad sa iba’t ibang bahagi ng mundo na nagpapataas sa global na temperatura, nagpapatunaw sa mga malalaking tipak ng yelo at nagpapataas ng level ng karagatan, at lumilikha ng mapaminsalang mga bagyo at kalamidad.