Posibleng pumasok sa Philippine area of responsibility (PAR) ang isang low pressure area (LPA), na namataan sa labas ng binisidad ng bansa, sa susunod na mga araw.
Sa abiso ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), huling namataan ang nasabing sama ng panahon sa layong 1,000 kilometro Silangan ng Mindanao o sa labas pa rin ng Pilipinas.
Sa pagtaya ng PAGASA, magdadala ito ng kalat-kalat ngunit malakas na pag-ulan sa malaking bahagi ng Mindanao.
Paliwanag ng ahensiya, posible ring magdulot ito ng flashflood at landslide sa mabababa at kabundukang lugar, ayon sa pagkakasunod.
Paglilinaw ng PAGASA, maliit lamang ang posibilidad na mabuo ito bilang bagyo kapag nakapasok na sa PAR.
Kaugnay nito, patuloy pa ring nararanasan ang epekto ng northeast monsoon (amihan) sa Luzon at Visayas.
Makararanas naman ng mahinang pag-ulan ang Batanes, Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, Abra, Benguet, Ifugao, Kalinga, Mountain Province, Apayao, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Albay, Sorsogon, Masbate, Aurora, Quezon, Biliran, Eastern Samar, Leyte, Northern Samar, Samar, at Southern Leyte, bunsod na rin ng amihan.
-Ellalyn De Vera-Ruiz