Hindi mag-iinspeksiyon ang Department of Labor and Employment (DoLE) sa lahat ng establisimyento sa bansa ngayong Pasko upang maiwasan ang pagtanggap ng suhol ng mga inspector tuwing ganitong panahon.

Sa administrative order na inilabas ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III, inatasan niya ang lahat ng regional office ng kagawaran na suspendihin ang lahat ng labor inspections simula Disyembre 15 hanggang Enero 15, 2019.

“Tungkulin natin na tiyakin ang patuloy na pagiging epektibo ng DoLE sa pagpapatupad ng batas paggawa at patakaran at pagtataguyod sa integridad ng ating mga gawain sa inspeksiyon sa paggawa, lalo na ngayong panahon ng Kapaskuhan, kung saan mataas ang pagkakataon na masuhulan o mapagbintangan,” ani Bello.

Habang suspendido ang labor inspection, isasaayos ang mga hindi pa napagpapasyahang kaso sa labor standard at paghahanda ng labor laws compliance program ng DoLE para sa susunod na taon.

National

Romualdez todo-puri sa ₱20/kilong bigas ni PBBM: 'Turning aspiration into action!'

Gayunman, hindi sakop ng suspensiyon ang compliant inspections, technical safety inspections, at Occupational Safety and Health Standards (OSHS) investigation, gayundin ang mga establisimyentong nangangailangan ng agarang inspeksiyon, ayon kay Bello.

Tiniyak din ni Bello na sa pagtatapos ng 2018 ay ia-upload ng mga regional director sa Management Information System ang consolidated result ng lahat ng ginawang inspeksiyon sa buong taon upang higit na maisaayos at mapabuti ang labor laws compliance monitoring program sa 2019.

Mina Navarro