BINUKSAN ng Western Visayas Regional Museum ang isang gallery na nagtatampok sa tradisyunal na habi ng rehiyon, nitong Sabado.

Tinawag na “Habol Panay: The Woven Artistry Philippine Textiles”, ang exhibit ang unang gallery na binuksan simula nang gawing museo ang Old Iloilo Provincial Jail sa Iloilo nitong Abril.

Magiging permanente ang exhibit na nagpapakita sa publiko ng mga sinulid, tela, at hilaw na materyales na ginagamit sa paghahabi sa Panay. Mula ang mga display na ito sa National Ethnographic Collection habang ang ilan ay ibinigay at ipinahiram ng katuwang nito sa Pambansang Museo.

Pinangunahan ni Angel Bautista, acting assistant Director ng Pambansang Museo at hepe ng cultural properties regulation, ang pagbubukas ng exhibit; kasama sina Governor Arthur Defensor, Sr.; dating Antique governor Sally Perez; at Antonio Legarda, na kumatawan sa kanyang anak na si Senator Loren Legarda.

Night Owl

Bakit Dapat Tumanggi ang Pilipinas sa Online na Pagboto

Sa isang panayam, kinilala ni Bautista ang katangi-tangi, kakaiba at artistikong likha ng mga maghahabi sa Western Visayas, na dapat umanong ipakita sa publiko at sa mga susunod na henerasyon. “This is to showcase our rich intangible cultural heritage that we must be proud of,” aniya.

Ayon kay Bautista, bago pa man dumating ang mga espanyol ay naghahabi na ang mga Pilipino. “Not only here (in Western Visayas) but the entire country and this has been our common identity that we, Filipinos, are really involved in this culture of weaving,” dagdag pa niya.

Aniya, nauna na nilang itinampok ang kultura ng paghahabi sa ibang bahagi ng bansa at maging sa mga bansa ng United Kingdom, Portugal, Germany, Spain at Estados Unidos.

Ipinakita naman ni Criselda Monreal, isa sa mga manghahabi mula sa Miag-ao, Iloilo, ang proseso ng paghahabi gamit ang “hablon” na gawa sa kahoy at kawayan.

Kilala ang mga manghahabi ng Panay sa kanilang mga likha gamit ang abaca, cotton, pineapple at silkworm, na pinararami ng mga magsasaka sa rehiyon.

Samantala, sinabi ni Bautista na binubuo na nila ang para sa lahat ng exhibit sa huling bahagi ng taon habang plano nilang muli itong buksan sa 2019.

PNA