Nasabat ng mga awtoridad ang dalawang kahon na naglalaman ng anim na sawa sa Central Mail Exchange ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) complex sa Pasay City, kamakailan.
Sa ulat kahapon ng NAIA Public Information Office (PIO), naharang ng Bureau of Customs (BoC) ang anim na Blood python, na itinago sa isang plastic na lalagyan na nakasilid naman sa mga kahon.
Ayon sa PIO, idineklarang Taro chips mula sa Indonesia ang mga laman nito.
Ang unang package ay nakapangalan sa isang Richard Mercado na may address na #61D Scout Limbaga St., Barangay Laging Handa, Quezon City at ang nagpadala nito at nagngangalang Erwin mula sa Indonesia.
Ang ikalawang kahon naman na nagmula ng Indonesia ay naka-address sa isang lugar sa Sta. Cruz, Maynila.
Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente upang matukoy at madakip ang nasa likod nang ilegal na package.
Ang mga nasabat na ahas ay nakatakdang iturn-over sa Department of Environment of Natural Resources-Wildlife Traffic Monitoring Unit (DENR-WTMU) para sa wastong pangangalaga ng mga ito.
-Bella Gamotea