Kasabay ng pagsisimula ng Simbang Gabi kahapon, sinimulan na rin ng pamunuan ng Eastern Police District (EPD) ang paglulunsad ng “Oplan Ligtas Paskuhan 2018” at ang monitoring ng mga insidenteng may kinalaman sa paputok sa nasasakupan nito.
Ayon kay EPD Director Chief Supt. Bernabe Balba, handang-handa na ang buong puwersa ng EPD na magbigay ng seguridad at tiyakin ang kaligtasan ng mamamayan ilang araw bago ang Pasko.
Sinimulan ng EPD kahapon ang pagpapatupad ng Oplan Ligtas Paskuhan 2018, na magtatagal hanggang sa Enero 3, 2019, o kapistahan ng Tatlong Hari.
“The men and women of EPD are set to be alert and be deployed in places of worship, malls, market, commercial areas, vital installation and other places of public convergence as a deterrent to commission of crime and maintenance of peace and order during the yuletide season,” ani Balba.
Kasabay nito, hinikayat ni Balba ang publiko na makipagtulungan sa mga pulis upang makaiwas sa anumang kapahamakan sa pamamagitan ng pagpapadala ng mensahe sa Twitter (@epdpio) o sa Facebook (EPD Ang Pamamarisan), o magtungo sa presinto, o tumawag sa EPD Tactical Operations Center sa 641-0877.
Sinimulan na rin ng EPD ang monitoring sa mga firecracker-related injuries, at batay sa situation report hanggang kahapon ng tanghali, wala pa silang naitatalang anumang firecracker-related incidents sa Pasig City, Mandaluyong City, at San Juan City.
-Mary Ann Santiago