TACURONG CITY – Hinigpitan ng mga awtoridad ang seguridad sa bahay ng alkalde ng Sultan Kudarat matapos na hagisan ng granada, nitong Biyernes ng gabi.
Ayon kay Lambayong police chief, Senior Insp. Herman Luna, walang nasugatan sa insidente.
Aniya, isang fragmentation grenade ang inihagis sa tapat ng bahay ni Lambayong, Sultan Kudarat Mayor Ramon Abalos, dakong 7:00 ng gabi.
Si Abalos ay dumalo sa pagpupulong ng Regional Peace and Order Council sa Koronadal City nang maganap ang insidente, ayon kay Luna.
Sa pahayag ng mga testigo, posibleng kagagawan ito ng apat na lalaking nakasakay sa dalawang motorsiklo, na nasilayang palayo sa pinangyarihan ng pagsabog.
Napinsala sa pagsabog ang ilang motorsiklong nakaparada sa lugar.
Iniimbestigahan pa rin ng mga awtoridad kung magkaugnay ang insidente sa unang pagpapasabog ng granada sa bahay din ng alkalde, na ikinasugat ng kapatid nitong konsehal na si Carlos nitong Hulyo 28.
Sa teorya naman ng alkalde, posibleng iisa ang grupong nasa likod ng pagsabog na nagnanais umano siyang patahimikin sa maigting na kampanya kontra-droga.
Si Carlos ay kakandidatong vice governor sa 2019 midterm elections, ayon pa kay Luna
-JOSEPH JUBELAG