Hindi dapat gamitin ang kapangyarihan sa pambu-bully ng kapwa.
Ito ang naging mensahe ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle matapos niyang pangunahan ang misa sa unang araw ng Simbang Gabi kahapon, sa Manila Cathedral, sa Intramuros, Maynila.
Hindi naman nagbanggit ng pangalan ng sinumang lider ng bansa si Tagle, at sa halip ay ipinaalala sa mga mananampalataya ang payo ni San Pablo kung paano makakamit ang tunay na kaligayahan.
Iginiit ni Tagle na ang mga taong gumagamit ng kapangyarihan upang maliitin ang kanyang kapwa ay ang taong pinakatakot at pinaka-insecure sa lahat.
“Do not bully anyone. Huwag mong gagamitin ang iyong kapangyarihan para mambastos. Huwag mong gagamitin ang iyong kapangyarihan para piitin, coerce ang iba,” bahagi ng homiliya ng cardinal.
“Panahon pa po ni Hesus itong binabasa ko, [pero] parang kasusulat lang kahapon. Pareho pa rin ang sekreto sa kaligayahan. Huwag kang mangmamaliit,” aniya pa.
“Hindi porke mayroon kang posisyon, ikaw ay may karapatan na para mangyurak sa kapwa. Sa katunayan, ang bully, ang gumagamit ng kapangyarihan para maliitin ang kapwa, iyan ang pinakatakot at insecure na tao,” dugtong pa ni Tagle.
Hinikayat din ng Cardinal ang mga mamamayan na magbahagi sa kapwa ng kanilang biyayang nakamit at manatiling tapat upang maging tunay na maligaya sa Pasko.
-Mary Ann Santiago