ZAMBOANGA CITY – Tatlong miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) at isang sundalo ang napatay, habang dalawang sundalo ang nasugatan sa engkuwento nangyari bago magmadaling-araw kahapon sa Patikul, Sulu.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-WestMinCom) Spokesman Army Lt. Col. Gerry M. Besana, nagsasagawa ng operasyon ang mga sundalo sa isla ng Minis sa Patikul nang makaengkuwentro ang nasa 50 miyembro ng Abu Sayyaf, sa ilalim ni Majid Emamil, bandang 2:25 ng umaga kahapon.
Nagkaroon ng bakbakan sa magkabilang panig, na nagresulta sa pagkamatay ng tatlong bandido at ng sundalong si Marine Sgt. Cariaso, ayon sa Besana.
Hindi pa natukoy ang pagkakakilanlan ng tatlong bandido.
Dalawang sundalo ang nasugatan sa sagupaan, habang dalawang M14 Armalite rifle naman ang narekober.
-Nonoy E. Lacson