Hindi maituturing na early campaigning ang pagpapaskil ng mga tarpaulin ng mga kandidato sa mga lansangan, kaya hindi sila maaaring papanagutin hinggil dito.

Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, hindi pa naman nagsisimula ang campaign period kaya kahit na ilagay pa ng mga kandidato sa kanilang mga tarpaulin ang mga salitang “iboto n’yo ako” ay hindi pa rin ito maituturing na paglabag sa election laws.

“Actually, kahit may mga sulat na ‘iboto n’yo ako’ or ‘vote for me’, ganyan, hindi pa rin ‘yan iko-consider na violation, kasi hindi pa nagsisimula ang campaign period,” paliwanag ni Jimenez sa isang panayam sa radyo.

Aniya, hindi pa maikokonsiderang opisyal na kandidato ang mga naghain ng kandidatura para sa eleksiyon sa Mayo 13, 2019, dahil hindi pa nakapaglalabas ang Comelec ng opisyal na listahan ng mga kandidato para sa halalan.

Probinsya

King Cobra na nasagasaan ng pick-up truck, pinatay at inulam ng ilang residente

“Hindi sila puwedeng sitahin ngayon kasi hindi pa sila kandidato, kahit nag-file na ng Certificates of Candidacy (COC),” sabi pa ni Jimenez.

Sa susunod na taon pa magsisimula ang campaign period.

“Hangga’t hindi umaabot sa petsa na ‘yan, hindi sila masisita sa kahit na anong bagay,” dagdag ni Jimenez.

Una nang sinabi ng Comelec na target nitong mailabas ang opisyal na listahan ng mga kandidato sa eleksiyon sa Sabado, Disyembre 15.

Sa Pebrero 12, 2019 pa magsisimula ang campaign period para sa senatorial elections, habang ang mga kandidato sa lokal na halalan ay magsisimulang mangampanya sa Marso 29, 2019.

-Mary Ann Santiago