ANG Kongreso, bilang kinatawan na itinalaga ng Konstitusyon para mag-apruba sa lahat ng paglalaan ng pampublikong pondo, ay maaasahang maghahangad ang mga miyembro nito ng benepisyo para sa kani-kanilang nasasakupan. Dati, isinasagawa ito sa pamamagitan ng Priority Development Assistance Fund (PDAF)—P70 milyon para sa bawat kongresista at P200 milyon para sa bawat senador—ngunit idineklara ng Korte Suprema ang PDAF bilang ‘unconstitutional’, at sinabing wala nang karapatan ang mga mambabatas na makialam sa pamamahagi ng pondo ng pamahalaan matapos aprubahan ng Kongreso ang pambansang budget.
Sa ngayon, patuloy na napopondohan ng mga mambabatas ang kani-kanilang proyekto sa pamamagitan ng round-about system, kung saan nagmumungkahi sila ng mga tiyak na proyekto na isasama sa pagba-budget ng mga ahensiya ng pamahalaan—halimbawa, ang dike, kalsada, o tulay na nasa ilalim ng pamamahala ng Department of Public Works and Highways, o ang mga paaralan sa ilalim ng Department of Education.
Ilang kongresista mula sa oposisyon ang nagsasabing sa ilalim ng ganitong sistema, mas malaki ang nagiging benepisyo ng mga mambabatas para sa kanilang mga nasasakupan. Sinabi ni House Majority Leader Rolando Andaya, ng Camarines Sur na kabilang sa 2019 budget na inaprubahan ng Kamara kamakailan ang P8 bilyon para sa mga pagawain at iba pang pondo para sa mga proyektong mungkahi ng 22 senador (maliban kina Senador Panfilo Lacson at dating Senador Alan Peter Cayetano, na itinalagang kalihim ng foreign affairs).
Nagpulong kahapon ang House Oversight Committee upang linawin ito at ang iba pang mga salik kaugnay ng pambansang budget, kasama si Department Budget and Management Secretary Benjamin Diokno bilang saksi sa Question Hour. Siyempre, maaaring sabihin ng kalihim na ang budget na iprinisinta ng Malacañang sa Kongreso para aprubahan ay produkto ng mahaba at masusing pag-aaral, base sa pangangailangan ng bansa sa buong taon.
Isa sa mga isyung dapat maresolba kaugnay ng pambansang budget ay ang madalas na underspending ng Executive Department sa mga pondo na naaprubahan na ng Kongreso. Sa ngayon, ayon kay Rep. Antonio Bravo, ng Coop-Nattco party-list, umabot sa P1.3 trilyon ang hindi nagastos na pondo.
Sa Senado, na hindi pa inaaprubahan ang kanilang bersiyon ng General Appropriation Bill, determinado ang mga kasapi, sa pangunguna ni Senador Lacson, na busisiin ang pagpopondo para sa mga posibleng “pet projects” ng mga kongresista. Dahil dito, hindi maipapasa ng Senado ang bersiyon nito ng budget sa tamang oras para sa pag-iisa ng National Appropriation Bill para sa 2019, na lalagdaan ni Pangulong Duterte ngayong buwan.
Maliit na problema lang ito para sa pamahalaan, lalo sa kasong ito, na isinasaad ng Konstitusyon na ang budget ng nagdaang taon ang pagtitibayin at ipatutupad hanggang sa mapagtibay ang pondo para sa bagong taon. Sa taya ng mga senador, hindi ito aabutin ng kalagitnaan ng Enero 2019.
Malugod nating tinatanggap ang pagsisikap na himayin ang pambansang budget para sa 2019. Dapat nitong bawasan, kung hindi man tuluyang tanggalin, ang pagsasama ng mga proyektong limitado lang ang pakinabang para sa kabuuang pagpapaunlad sa bansa.