May 22, 2026

Home BALITA

Isa sa mga national level na most wanted sa Pinas, natimbog ng PNP!

Isa sa mga national level na most wanted sa Pinas, natimbog ng PNP!
Photo courtesy: Philippine National Police (FB)

Naaresto ng Philippine National Police (PNP) ang isang national-level Most Wanted Person sa isinagawang manhunt operation bandang 12:40 ng madaling araw noong Abril 25, 2026 sa Barangay Apopong, General Santos City.

Kinilala ang suspek bilang isang 45-anyos na lalaki na nadakip sa pamamagitan ng pinagsanib na operasyon ng mga lokal na pulis at intelligence operatives matapos makatanggap ng beripikadong impormasyon.

Nakalista siya bilang National Level Most Wanted Person na may nakalaang ₱250,000 na pabuya sa ilalim ng reward system ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Ayon sa mga awtoridad, nahaharap ang suspek sa 56 na bilang ng murder, bukod pa sa isang hiwalay na kaso ng pagpatay, na pawang may warrant of arrest mula sa korte sa Quezon City at walang inirekomendang piyansa.

Pinuri ni PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang mga operatiba at binigyang-diin ang kahalagahan ng tuloy-tuloy na operasyon laban sa mga high-profile fugitives.

Sey ng NBI: 'Fugitive Senator Dela Rosa will be arrested whether he likes it or not'

“This is a result of focused, intelligence-driven police work, and we will continue to pursue those facing serious charges,” ani Nartatez.

Aniya, nakaangkla ang nasabing operasyon sa PNP Focused Agenda, partikular sa Enhanced Managing Police Operations na naglalayong palakasin ang koordinasyon at precision sa mga aksyon ng law enforcement.

“Hindi titigil ang PNP hangga’t di napapanagot ang mga may sala. Our operations will remain relentless but always within the bounds of the law,” dagdag pa niya.

Samantala, muling tiniyak ng PNP ang kanilang pangako sa propesyonal, responsable, at maagap na pagbibigay-serbisyo alinsunod sa kanilang prinsipyo: “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman.”