Tiniyak ng Malacañang na may pinagbabasehan si Pangulong Duterte sa paghiling nito sa Kongreso na palawiging muli nang isang taon ang martial law sa Mindanao.
Sinabi ni Presidential Spokesman Atty. Salvador Panelo na hindi naman irerekomenda ng Pangulo ang pagpapalawaig sa batas militar kung wala itong sapat na dahilan.
Katwiran pa ni Panelo, hindi rin irerekomenda ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa kanilang commander-in-chief ang panibagong martial law extension kung walang nakikitang matibay na rason ang mga ito.
Ayon kay Panelo, batay sa report ni Defense Secretary Delfin Lorenzana kay Pangulong Duterte, nananatili pa rin ang banta ng rebelyon sa Mindanao, kaya may pangangailangan pang palawigin ang martial law na umiiral sa Mindanao simula Mayo 23, 2017.
Inaasahan na ngayong Miyerkules ay ipatatawag ng liderato ng Senado at Kongreso ang joint session para talakayin ang hiling ng Pangulo kaugnay ng nais niyang martial law extension hanggang Disyembre 31, 2019.
-Beth Camia