CAMP OLA, Albay – Nasawi ang tatlong pasahero habang anim na iba pa ang nasugatan makaraang makasalpukan ng isang van ang isang motorsiklong may hauler, na kinalululanan ng siyam na katao, sa Maharlika Highway sa Barangay Tuaca sa bayan ng Basud, Camarines Norte, nitong Lunes.

Kinilala ni Chief Insp. Malu Calubaquib ang mga nasawi na sina Hannah Dimaano, 10; Yahzie Dimaano, 4; at Anjanette Dimaano y Barrameda, 18 anyos.

Sugatan naman sina Jaiza Mae Barrameda y Bacuño, 29; Jane Barrameda y Alcala, 32; Joy Barrameda y Aliboso, 29; Jerome Barrameda, 13; at Jero Barrameda, 7, pawang taga-Zone 2, Bgy. Sooc, Lupi, Camarines Sur

Kabilang din sa nasugatan ang driver ng motorsiklong may hauler na si Romulo Barrameda Jr y Aliboso, 35, kalugar ng iba pang biktima.

Probinsya

Babaeng sumagip ng naaksidenteng aso, patay sa bundol ng van

Batay sa paunang imbestigasyon, bandang 7:00 ng umaga nitong Lunes, at bumibiyahe sa Maharlika Highway patungong Daet ang van na minamaneho ni Juhaiber Ote y Dida, 29, empleyado ng A.M. Salong Construction, at taga- Purok 2, Bgy. Oro site, Legazpi City nang madulas sa makurbang bahagi ng kalsada sa bahagi ng Bgy. Tuaca.

Madulas noon ang kalsada dahil sa pag-uulan, nasalpok ng van ang kasalubong na motorsiklong may hauler na minamaneho ni Romulo.

Isinugod sa Camarines Norte Provincial Hospital ang mga biktima, subalit tatlo sa mga pasahero ang hindi na umabot nang buhay.

Sinabi naman ni Calubaquib na walang nasugatan sa panig ng van.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon sa aksidente, habang hawak na ng Basud Police si Ote.

-NIÑO N. LUCES