Magpapatupad ang ilang kumpanya ng langis ng dagdag-bawas sa presyo ng kanilang petrolyo, ngayong Martes ng umaga.
Sa abiso ng Shell, nagtaas ito ng 40 sentimos sa kada litro ng gasolina kasabay ng 45 sentimos na price rollback sa kerosene at 10 sentimos naman sa diesel, dakong 6:00 ng umaga ngayong Martes.
Agad namang sumunod ang Seaoil sa kaparehong dagdag-bawas sa presyo ng petrolyo.
Hindi naman nagpahuli ang Petro Gazz at Eastern Petroleum, na nagtaas ng 40 sentimos sa presyo kanilang gasolina at ibinaba naman sa 10 sentimos ang diesel.
Asahan na ang pagsunod ng iba pang kumpanya, tulad ng Petron, PTT Philippines, Flying V, Unioil at iba pa sa kahalintulad na price adjustment sa petrolyo dahil sa panibagong paggalaw ng presyuhan ng langis sa pandaigdigang pamilihan.
Nitong Disyembre 4, huling nagpatupad ng big-time price rollback ang mga kumpanya ng langis ng P2.10 sa diesel habang P2.00 sa gasolina at kerosene.
-Bella Gamotea