NAKAIWAS ang BanKo Perlas Spikers sa pagkabigo matapos makabawi sa muntik ng pagkolapso para tuluyang mapayukod ang Ateneo-Motolite Lady Eagles, 25-23, 25-19, 21-25, 19-25, 15-6, sa Game One ng kanilang best-of-three Premier Volleyball League Open Conference semifinals series nitong Miyerkules ng gabi sa FilOil Flying V Centre sa San Juan.
Makaraang makauna sa first at second set, bumaba ang laro ng BanKo at isinuko ang sumunod na dalawang sets kaya nakatabla ang Ateneo.
Pagdating ng fifth set, dito na rumatsada ang mga beteranong sina Nicole Tiamzon, Kathy Bersola at Dzi Gervacio na nagresulta sa 13-5 na bentahe at kanilang panalo.
“Na-execute namin ‘yung game plan noong first two sets, tapos nawala kami sa third and fourth. Hindi mo din kasi pwedeng bigyan talaga ng kumpiyansa ‘yung Ateneo eh,” sambit ni BanKo coach Ariel Dela Cruz.
“Mabuti noong fifth set nakabalik kami sa gusto naming gawin. Malaking bagay for us moving forward na nakabangon kami sa ganoon,” aniya.
Tumapos si Tiamzon na may game-high 25 puntos kasunod sina Gervacio at Bersola na may 20 at 16 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Nanguna naman si Kat Tolentino para sa Lady Eagles sa itinala nitong 20 puntos.
Nauna rito, ginapi ng Creamline Cool Smashers ang Petro Gazz Angels, 26-28, 25-15, 25-13, 25-16, sa hiwalay na semifinal series.
“We just stayed composed lang. We were making errors in the first set na were pretty uncharacteristic for us,” pahayag ni Creamline team captain AlyssaValdez na nagtapos na may 18 puntos sa laro.
“We really had to regain focus. It was all about mindset lang din.”
Nanguna sa panalo si Jema Galanza na may 24 puntos at 18 excellent receptions.
Nag-iisa namang tumapos na may double digit si Jessey De Leon para sa Angels sa itinala nitong 11 puntos.
-Marivic Awitan