Pinaaga ng Department of Education (DepEd) ang Christmas break ng mga estudyante sa mga pampublikong paaralan sa bansa, na magsisimula na sa Disyembre 15.

Sa Department Order No. 25, Series of 2018, mula sa dating schedule na Disyembre 22 ay sisimulan na sa Disyembre 15 ang Christmas break ng mga mag-aaral ngayong taon.

Sa kautusan na pirmado ni Education Secretary Leonor Briones, layunin nitong magkaroon ng mas mahabang “quality time” ang mga estudyante at kanilang mga pamilya ngayong Pasko, na isa sa pinakamahahalagang okasyon para sa mga Pinoy.

“The Department of Education values the importance of spending quality time with the family. The Christmas season provides an opportunity for Filipino learners to strengthen their emotional bonds with their family,” saad sa kautusan.

‘Bakuna Eskwela’ program ng DOH, DepEd, aarangkada

“In view of the foregoing, the Department issues this Order amending the start of the Christmas break from Saturday, December 22, 2018, as provided in Paragraph 10 of DepEd Order No. 25, s.2018 (School Calendar for School Year 2018-2019) to Saturday, December 15, 2018,” ayon pa sa Department Order.

Paglilinaw ng DepEd, mananatili pa rin ang Disyembre 15, 2018 bilang class day para sa mga aktibidad sa paaralan.

Itinakda naman ng DepEd ang pagbabalik-klase sa Enero 2, 2019, Miyerkules, o isang araw matapos ang pagdiriwang ng Bagong Taon.

Sa Abril 5, 2019 naman ang huling araw ng klase para sa kasalukuyang school year.

-MARY ANN SANTIAGO