Isa na namang retiradong pulis ang napatay nang pagbabarilin ito ng riding-in-tandem sa Pasay City, kahapon ng tanghali.
Dead on arrival sa San Juan de Dios Hospital si retired Chief Insp. Roberto Razon, 52, ng Metro Real, Rodriguez, Rizal, dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Natukoy sa imbestigasyon na ang insidente ay naganap sa panulukan ng Diokno Blvd. at Coral Way Street, malapit sa isang shopping mall sa lungsod, dakong 12:09 ng tanghali.
Sinabi ni Pasay City Police chief, Senior Supt. Noel Flores, na kagagaling lang ng biktima sa pag-iinspeksiyon sa security personnel ng isang hotel casino sa Parañaque City nang mangyari ang pananambang.
Aniya, pauwi na si Razon habang minamaneho ang kotse (AAY-2359) nang biglang hintuan ito ng isang motorsiklong sakay ng dalawang lalaki at sunud-sunod itong binaril. Ligtas naman ang dalawang kasamahan ng biktima na hindi nadamay sa pamamaril, ayon pa sa pulisya.
-Dhel Nazario