Bubuksan na bukas, Nobyembre 27, ang P8.9-bilyon Bohol Panglao International Airport, na itinuturing na unang eco-airport sa bansa.
Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Director for Communications Goddess Hope Libiran, nasa 99 na porsiyento nang tapos ang naturang paliparan, at handa na itong mag-operate pagkatapos ng inagurasyon dito ngayong Martes.
Inaasahang mismong si Pangulong Duterte ang mangunguna sa pagbubukas ng naturang paliparan.
Ayon kay Libiran, Hunyo 2015 nang sinimulan ang konstruksiyon ng paliparan ngunit nag-accumulate ng 48% slippage dahil sa iba’t ibang delay kaya nang mag-take over ang DOTr noong Hulyo 2016 ay nasa 6.48% pa lang ang completion rate nito. ”We are actually three years ahead of schedule,” sabi ni Libiran.
Nabatid na ang Panglao airport, na kilala sa tawag na “Green Gateway to the World”, ang kauna-unahang eco-airport sa bansa, na itinayo batay sa pinakamataas na standard ng “green at sustainable structures”.
Aniya, gagamit ang paliparan ng natural ventilation at ang bubungan ng Passenger Terminal Building nito ay kakabitan ng mga solar panel.
Idinisenyo ang paliparan upang maka- -accommodate ng hanggang dalawang milyong pasahero, o mahigit pa sa doble ng kapasidad ng Tagbilaran airport, sa Bohol din.
-Mary Ann Santiago